LAGUNA – Nasawi matapos umanong manlaban sa mga kagawad ng PDEA 4A, Provincial Intelligence Branch (PIB) Drug Enforcement Unit (DEU) at Pakil Police ang dating Municipal Councilor, at napapabilang sa Drug Personality habang aktong isinasagawa ng mga ito ang buy bust operation sa kanyang tirahan sa Brgy. Burgos, bayan ng Pakil, kamakalawa ng hapon.
Ayon sa ulat ni Laguna PNP Public Information Officer (PIO) PCI Jojo Sabeniano kay Laguna PNP Provincial Director PSSupt. Eleazar Matta, nakilala ang napatay na suspek na si Leandro Pacheco, alyas “Bong”, naninirahan sa nasabing lugar.
Sinasabing binawian ng buhay sa loob mismo ng kanyang tirahan ang suspek bunsod ng ilang tama ng bala na tinamo nito sa kanyang ulo at katawan.
Sa talaan ng pulisya, napag-alaman na mahigit 11 buwan pa lamang na nakalalaya mula sa tatlong taon na pagkakapiit sa Laguna Provincial Jail ang suspek dahil sa kaso sa droga.
Bandang alas-4:55 ng hapon ng magkasa ng buy bust operation ang mga awtoridad sa bahay ng suspek kaugnay ng umano’y ilegal nitong gawain samantalang hindi inaasahang mauwi ito sa isang engkuwentro matapos magawang manlaban gamit ang kalibre 45 baril.
Nakumpiska sa lugar ang isang plastic sachet na naglalaman ng shabu na umaabot sa halagang P9 libong piso at ginamit umanong baril ng suspek.
Kaugnay nito, napag-alaman na kasalukuyang nasa ibang bansa ang kabiyak ng suspek kung saan doon ito nag-tatrabaho. DICK GARAY
Comments are closed.