HINDI hadlang ang kapansanan sa pag-abot ng pangarap, ito ang pinatunayan ni Jessie Aprecio, dating latero, mula sa San Fenando City, La Union.
Ang aksidenteng inakala na magpapahirap sa kanya simula noong 2009 ay naging daan pa upang umasenso ang kanyang buhay.
Simula noong matanggap ni Aprecio ang tulong pangkabuhayan ng Employees’ Compensation Commission (ECC) na nagkakahalagang ₱20,000.00 noong Setyembre 2019 bilang dagdag puhunan sa kanyang maliit na karinderya. Tuloy-tuloy na ang ganda ng buhay niya.
“Dati po kaming nangungupahan sa puwesto. Mula nang makatanggap kami ng tulong pangkabuhayan mula sa ECC, dumami po ang aming paninda at kagamitan sa kusina. Di nagtagal naging amin na ang puwesto at pinangalanan namin itong Chato’s Carinderia,” pahayag ni Aprecio, isa sa benepisyaryo ng ECC.
Sa kanyang pagsusumikap katuwang ang kanyang maybahay, nakapagpundar na rin siya ng kanyang sariling tricycle na gamit sa pagbabiyahe para sa kanyang panindang frozen products.
“Nagkaroon na rin po ako ng karagdagang negosyo. Meron na rin akong sinu-supplyan ng mga frozen product dito sa San Fernando City. Nakabili na rin ako ng bagong cellphone bilang pagkontak sa aking mga kliyente,” ayon pa kay Aprecio.
Mula sa mga kita sa naipundar na karinderya, nakapagpatayo na rin siya ng kanyang maliit na baboyan.
Mula sa dalawang baboy, mayroon na siyang anim na baboy na inaalagaan sa kasalukuyan.
“Sa ngayon ay mayroon na rin kaming savings account,” sabi ni Aprecio. “Lubos akong nagpapasalamat sa ECC dahil hindi nila pinabayaan ang tulad naming persons with work-related disability (PWRDs).”
“Si Jessie Aprecio ay inirekomenda natin sa ECC central office upang magkaroon ng complementary kit,” pahayag ni Randy Angelo Ponciano ng ECC-Regional Extension Unit 1.
“Lahat ng PWRDs na may kasalukuyang livelihood projects na pinunduhan ng ECC ay maaaring makatanggap ng complementary kit sa halagang Php 10,000.00,” ayon kay ECC Executive Director Stella Zipagan-Banawis. “Para ganap na matulungan ng ECC ang PWRDs ngayong pandemic, hindi na kailangang maghintay ng isang taon para makatanggap sila ng complementary kit, pagnakitaan natin na napalago nila ang kanilang negosyo kahit sa loob lamang ng tatlong buwan ay maaari na rin silang makatanggap ng complementary kit.”
Ang kuwento ni Jessie ay isa lamang sa maraming kuwento ng pagbangon ng mga benepisyaryo ng ECC.
Mula sa dating latiro (welder), ngayo’y isa ng ganap na negosyante. Nakabangon dahil sa tulong ng ECC.