DATING MANAGER, MAY-ARI NA NG WATER REFILLING STATION

TUBIG ang pangunahing panga­ngailangan nating lahat na nagbibigay buhay at lakas sa ating pangangatawan para magampanan natin ang mga gawain sa araw-araw nating pagkilos.

Ito ang pinasok na negosyo ng isang business minded woman kung paano niya pinadaloy ng tuloy-tuloy ang kanyang water refilling station.

Gaya ng isang makina na nagpoproseso ng malinis na inuming tubig, maraming stages din ang pinagdaanang proseso sa buhay ng nakilala ng Pilipino Mirror na si ma’am Axel Ramos, 44-anyos, may anim na supling at kasalukuyang naninirahan sa Tagaytay City kasama ang kaniyang mag-anak.

Sa unang tingin kay Maam Axel, aakalain mong wala sa kaniyang pustura na mayroon na siyang anim na supling dahil sa maganda nitong mukha, maayos na pananamit at kaaya-ayang pag-uugali.

Hindi rin niya iniinda ang mga problemang dumadaan sa buhay kaya napapanatili nito ang kaniyang kagandahan.

Aniya, ang sikreto raw niya sa magandang kutis at malusog na pangangatawan ay ang pag-inom ng maraming tubig araw-araw. Hindi lang basta tubig dapat, Alkaline water para ma-achieve mo raw ang healthy skin.

Sa pakikipanayam ng Pilipino Mirror kay maam Axel, nabatid namin na dati siyang nagtrabaho sa Advertising agency sa Maynila bilang Account Executive.

Aniya, dito nahasa ng husto ang kaniyang kaalaman sa mundo ng sales, marketing and advertising. Batid niya na hindi sapat ang kaniyang kinikita bilang isang empleyado dahil sa may mga anak siyang sinusuportahan at pamilyang umaasa.

Hindi biro ang kaniyang mga pinagdaanan para languyin ang buhay, lalo na tuwing siya ay magkakasakit dahil sa matinding pagod nito sa pagbabanat-buto at ang madalas na pagsumpong ng matinding migraine na nagpapahinto ng kaniyang produktibong araw.

Aniya, pilit siyang nilulunod ng mga problemang dumadaan sa kaniyang buhay. Ginamit niyang armas ang mga pinagdaanan sa buhay upang suungin ang mala­king alon na sa kaniya’y pilit na humahambalos ng paulit-ulit ngunit kailanman hindi siya bumitaw sa mga pa­ngarap nito na balang araw ay giginhawa rin ang kanilang pamumuhay.

“Hindi ko alam paano ko na-survive ‘yung mga ups and downs sa buhay ko. Basta pinush kong iahon sarili ko sa mga pagsubok na pilit akong nilulunod. Alam ko nandiyan si God, Siya yung kinapitan ko at ang pamilya ko,” saad ni Ma’am Axel.

Dumating sa punto na pinasok niya ang pagiging ahente sa isang kumpanyang nag-aalok ng produktong may kinalaman sa Alkaline water filter mula sa Japan.

Pinag-aralan niya ang produktong ito at ang mga benepisyong maidu­dulot nito sa kalusugan. Dahil sa kahusayan, kinilala si maam Axel bilang isang certified Brand Manager at naalok na rin ng mga interbyu sa ilang TV Shows.

“Hindi ko inexpect na magiging Brand Manager ako ng isang magandang produktong ito from Japan at ma-consider na ako ang isa sa pinaka-unang nagpakilala at nagpasikat ng good benefits in health ng alkaline water sa Philippines,” ani ma’am Axel.

Sa kasalukuyan, tinututukan ni Ma’am Axel ang kaniyang negosyo na water refilling station gamit ang produkto na nakatulong ng malaki sa kaniyang kalusugan at pamilya. Dito ni maam Axel binuhos ang ipon at oras katuwang ang kaniyang mister at ang mga tao na pinagkakatiwalaan nila.

Aniya, malaking bahagi rin ng kanilang buhay ang makatulong sa kongregasyon ng mga kaibigan nilang Madre sa Tagaytay.

Ngayong nagpapatuloy pa rin ang pandemya at mga sakit na laganap sa ating paligid, mahalaga na makasiguro tayo sa ating iniinom na tubig upang hindi tayo tamaan ng samu’t saring sakit mula sa ating mga tubig-gripo o tap water at ang epekto ng free radicals (oxidants) at viruses sa paligid. Ika nga, Health is wealth.

Patunay si Maam Axel na kapag ginamit mo ang iyong kaalaman, kakayahan, tamang diskarte at balanseng pamumuhay at ang pagiging patas sa lahat, hindi lang pamatid-uhaw ang iyong matatanggap mula kay God, kundi umaapaw na biyaya at pagmamahal. REX MOLINES