Dating Manila Vice Mayor Danny Lacuna, pumanaw na

PUMANAW na sa edad na 85 si dating Manila Vice Mayor Danilo “Danny” Lacuna nitong Linggo ng umaga, August 13, 2023.

Sa isang social media post, ang Lacuna family, sa pamamagitan ni Mayor Honey Lacuna, panganay na anak sa limang magkakapatid, ay inianunsiyo na si Vice Mayor Danny Lacuna ay namayapa Linggo ng umaga.

Naulila niya ang kanyang kabiyak na si Melanie “Inday” Lacuna at limang mga anak na sina Honey, Dennis, Liza at incumbent Manila Councilors Lei at Philip.

“A man of great service and compassion, Danny touched many, creating a life that spans further than just his years and into the hearts of us all where he will remain forever,” ayon sa post.

Si Vice Mayor Danny ay nagsilbi bilang Konsehal ng Maynila mula 1968 hanggang 1975 at Vice Mayor ng Maynila sa mga taong 1970 hanggang 1971, 1988 hanggang 1992 at ang pinakahuli ay mula 1998 hanggang 2007.

Itinatag niya rin ang lokal na partido pulitikal na Asenso Manileño, na siyang dominant party sa Maynila, kung saan nakagawa ng dalawang alkalde sa katauhan ni dating Mayor Isko Moreno at incumbent Mayor Honey Lacuna at nakopo rin ang lahat ng lokal na posisyon nitong nakaraang halalan magmula sa mayor, vice mayor, Congressmen at Manila City Councilors.

Si Vice Mayor Danny ang adviser ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) sa panahon ng kanyang panunungkulan.

Nitong nakaraang selebrasyon ng ika-122 taon ng pagkakatatag ng Manila City Council (MCC), si Vice Mayor Danny ay ginawaran ng “Dangal ng Konseho Award” bilang pagkilala sa kanyang dekada ng walang pag-iimbot na serbisyo bilang miyembro at Presiding Officer MCC at dahil sa kanyang “compassionate leadership that steered the city council to greater heights, producing measures that redounded to the benefit of a great number of Manilenos and his exemplary performance worthy of emulation by future generation of public servants.”

Ang kanyang mga anak na sina Councilors Dr. Lei at Philip at architect Dennis, ang tumanggap ng parangal para sa kanilang ama.

Ang detalye ng burol ay iaanunsjyo sa mga darating na araw.
VERLIN RUIZ