(Dating mga kasamahan sa PNP, PMA nagpakita ng suporta) KAMPANYA NI PING INAYUDAHAN

Panfilo Lacson

LANTARANG nagpakita ng suporta sa kandidatura ni independent presidential bet Panfilo ‘Ping’ Lacson ang kanyang mga nakasama sa Philippine Military Academy (PMA) at mga nakatrabaho sa Phi­ lippine National Police (PNP) nang bisitahin niya ang lalawigan ng Tarlac, Lunes (Abril 25), para ilatag ang kanyang mga plataporma.

Kasama ni Lacson ang kanyang running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III at senatorial candidate na si dating Agriculture Secretary Manny Piñol na humarap sa mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor sa isang pulong bayan na ginanap sa Tarlac State University sa lungsod ng Tarlac.

Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Lacson ang kanyang mga mistah mula sa PMA at maging ang mga nakatrabaho niya noon sa PNP, gaya na lamang ni dating PNP Chief Nicanor Bartolome na naging tagapagsalita niya noong siya ang pinuno ng ahensiya.

Bukod kay Bartolome, kabilang din sa mga dumalo sina retired Major Generals Rey Acop, Ray Rivera at Dong Tabamo. Hindi rin nakalimutang banggitin ni Lacson ang mga mistah na si da­ting koronel at ngayo’y abogado na si Oscar Martinez, na naging valedictorian nila sa PMA Class of 1971, pati na ri si Ginoong Jun Fabros na naglingkod sa Philippine Navy.

Sa pagpapatuloy ng kanyang pagsasalita, binigyan-diin ni Lacson ang naging karanasan ni Bartolome sa paglilingkod sa bansa bilang isang alagad ng batas. Ayon sa kanya, aktibo rin si Bartolome sa pagsusulong ng kanyang kandidatura sa pagkapangulo ngayong Halalan 2022.

“Nagpapalit-palit siya, pupunta ng Cotabato, umuuwi ng Tarlac at ipinagpapatuloy niya tulad ng pagpapatuloy niya sa aking mga advocacy noong ako ay Chief PNP na disiplinahin ang hanay ng kapulisan, alisin ang kotong, at ibalik ang tiwala ng ating mga mamamayan sa PNP,” banggit ni Lacson kay Bartolome.

Inilatag ng tambalang Lacson-Sotto ang kanilang mga nagawa para sa bansa, lalo na noong kasagsagan ng pananalasa ng COVID-19 pandemic, at maging ang ibang hakbang na nakatulong para matugunan ang mga kaa­kibat na naging suliraning pambansa bunsod ng naturang pangyayari.

Hinimok ni Lacson na maging mapanuri ang publiko sa pagpili ng kanilang mga iboboto, dalawang linggo bago ang Araw ng Eleksiyon na gaganapin sa Mayo 9, 2022. Aniya, manaig sana sa kanilang mga kaisipan ang mga kandidatong matagal nang naglilingkod nang tapat sa bayan.

Ibinigay niyang ha­limbawa ang kanyang sarili na matagal nang tumutulong sa paglutas ng mga problema ng bansa, mula pa noong siya ay manungkulan bilang hepe ng PNP, hanggang sa 18-taon niyang paninilbihan bilang senador.

Inilarawan din niya ang kanyang ka-tandem na si Sotto bilang isang ‘consensus builder,’ lalo nang pamunuan nito ang buong Senado. Muli niya ring pinapurihan si Piñol na tanging kalihim na sumailalim sa masinsinang ‘lifestyle check’ upang patunayang hindi siya umabuso sa posisyon.

“Pakatandaan po natin, ‘pag tayo pumasok sa presinto at tayo nag-isip, namili ng ating iboboto, wala na kayong pipiliin pa—‘yung pinaka-kwalipikado, ‘yung pinaka-may kakayahan, ‘yung mga (may) pinakamahabang karanasan sa serbisyo publiko at ‘yung matapat,” paalala ni Lacson sa mga botante.

Mensahe pa ni Lacson sa mga Tarlaqueno, iwasang bumoto ng mga kandidatong magnanakaw sa pondo ng bayan, manloloko sa tao, at kulang sa tamang pag-iisip upang hindi na maging mas mise­rable pa ang kalagayan ng bansa sa susunod na anim na taon.