MINDANAO – KUNG magtutuloy-tuloy ang decommissioning process para sa mga dating Moro Islamic Liberation Front (MILF), planong isabak ang mga ito sa mga teroristang grupo.
Inihayag ng Office of Presidential Adviser on Peace Process, makatutulong ang mga miyembro ng MILF para mapalakas ang puwersa ng gobyerno laban sa mga teroristang grupo sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon kay Secretary Carlito Galvez ng Presidential adviser for Peace, Reconciliation and Unity, kasalukuyang sumasailalim sa basic military training ang mahigit 200 MILF fighters para mapabilang sa tinatawag na joint peace and security teams (JPSTs).
Ang JPSTs ay tatawagin ding Bangsamoro auxiliaries o kahalintulad ng CAFGU (Citizen Armed Force Geographical Unit).
Binigyang diin ng kalihim, makakasama ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang JPSTs sa operasyon laban sa kriminalidad sa BARMM.
Magiging katuwang din sila ng gobyerno para pigilan at sugpuin ang terorismo sa rehiyon.
Ipinaliwanag ni Galvez na matapos maisailalim sa basic military training sa loob ng 26 na araw ang mga dating MILF combatants, papayagan na silang magdala uli ng armas sa ilalim ng Citizen Armed Forces Agreement na nakapaloob sa Republic Act 7077.
Alinsunod sa batas, tatanggap ang mga BARMM auxiliaries ng allowance na P150 kada araw o katumbas ng P4,500 kada buwan. VERLIN RUIZ
Comments are closed.