DATING NAGLALAKO NG KAKANIN (Ngayo’y may sari-sari store na)

tindahan

HINDI nga naman biro ang kumayod mula umaga hanggang gabi upang magkaroonlamang ng panustos sa pangangailangan ng buong pamilya. Hindi na uso ngayon ang maghintay na lang sa suwerte, dapat ay hanapin natin ang suwerte. Hindi sapat na magpadala sa anod ng buhay, bagkus ay kailangan nating magsipag upang makamit natin ang pinapangarap nating tagumpay.

Dating naglalako ng kakanin si Recy Bernabe Bacarro ng 42A. Damayan St. Sto. Tomas,  Pasig City. Kumakayod ang ating bida mula umaga hanggang tanghali. Ikot siya nang ikot sa kanilang lugar upang maubos lamang ang nilalakong paninda. Hanggang sa ang nakagawian niyang trabaho — ang paglalako ng mga kakanin mula umaga hanggang tanghali hanggang sa maubos ang mga ito—ay biglang nagbago nang may magyaya sa ating bida na sumama sa STAR Program.

At ang STAR Program na sinalihan ng ating bidang si Recy ang nagbigay sa kanya ng kaalaman, hindi lamang sa pagnenegosyo kundi ma­ging sa karapatan ng mga kababaihan.

Ayon sa ating bida ay marami siyang natutunan sa pagsali niya sa STAR Prog­ram gaya na lang ng mga pasikot-sikot sa pagnene­gosyo at ang pagbibigay ng halaga sa sarili bilang isang babae.

Ang mga natutunan din ni Recy ay ginamit niya at in-apply sa kanyang buhay.

Ito rin ang naging dahilan kaya’t mayroon na siyang maliit na tindahan sa bahay, sa tulong na rin ng kanyang pamilya.

Ang kanyang maliit na sari-sari store ay nagsimula sa puhunang P3,000 na bigay ng kanyang anak.

Sa pagkakaroon din niya ng maliit na tindahan sa bahay ay nabibigyan na niya ng tamang pag-aalaga ang kanyang pamilya, lalong-lalo na ang kanyang mga anak.

NGITI  ANG  SINASALUBONG SA COSTUMER

Mahirap ang buhay, ayon sa ating bida. Marami silang pinagdaanang pagsubok ngunit dahil na rin sa tiwala at pananampalatayang nariyan ang Diyos na kasama natin sa araw-araw, wala itong takot na hinarap ang mga ha­mon sa buhay.

Habang nagbabantay ng negosyo ang ating bida, nagbuntis ito sa edad na 43. Kaya naman, nagdoble sipag sila sa paghahanapbuhay nang matustusan ang pag-aaral nito. Maaga itong nagbubukas ng tindahan para makabenta lalo pa’t daanan papasok sa eskuwelahanang kanilang lugar.

“Palaging ngiti ang isinasalubong ko sa mga kustomer para hindi sila mahiya o mailang magtanong lalo na sa mga hindi ko pa kilala,” kuwento pa ng ating bidang si Recy.

Para maabot ang tagumpay, sa ngayon ay tulong-tulong ang buong pamilya ni Recy sa pagpapalago ng kanilang munting negosyo. Dinadagdagan pa nila ito ng sipag at tiyaga. Sa ngayon ay katulong na rin niya ang asawa at bunsong anak na pitong taon sa pagpapalago ng kanilang negosyo. Positibo rin ang ating bida na balang araw ay lalago ang kanyang sinimulang negosyo.

Kung tatamad-tamad nga naman tayo, wala tayong mararating sa buhay. Kung uupo lang tayo’t hindi kikilos, paniguradong magugutom ang ating pamilya.

Patuloy sa pagtaas ang mga bilihin. Patuloy ring kumakaharap sa pagsubok ang bawat pamilyang Pilipino. Kaya naman, isang paraan upang umalwan o masilayan natin ang kaginhawaan ng buhay ay ang pagsisipag, ang pagkayod mula umaga hanggang gabi. Marami pa nga sa ating mga kababayan ang halos ginagawang umaga ang gabi para lang magkasya o magkaroon ng pandagdag na panustos sa pamilya. May mga sinusuwerte sa pagnenegosyo at mayroon din namang hindi. Gayunpaman, kahit pasobrang daming problema ang kinahaharap ng bawat negosyante ay hindi sila nawawalan ng pag-asa. Nananatili silang positibo sa kabila ng mga hindi magandang pangyayari. At dahil din sa attitude nilang positibo, nagiging daan din ito upang magsimula sa pagganda ang kanilangbuhay at maabot ang tagumpay na kanilang pinakaaasam-asam.

“Sa mga ina at lola na katu­lad kong malakas pa at kaya pang maghanapbuhay kahit maliit na puhunan ay kaya nating palaguin basta’t magtiwala sa sarili na kayang-kaya mo ito,” payo ni Recy sa mga nais magnegosyong kagaya niya. CHE SALUD

48 thoughts on “DATING NAGLALAKO NG KAKANIN (Ngayo’y may sari-sari store na)”

Comments are closed.