OCCIDENTAL MINDORO- ISANG mataas na kalibre ng armas ang narekober ng mga militar matapos ituro ng isang dating NPA ang kinaroroonan nito sa nasabing lalawigan.
Agad na tinungo ng 68th Infantry “Kaagapay” Battalion ang kinaroroonan ng armas matapos ituro ni alyas Samjay, dating miyembro ng Special Partisan Unit o SPARU ng New People’s Army.
Isang M16 rifle, dalawang short magazine at isang long magazine at mga bala ang nakuha ng mga sundalo sa bisinidad ng Sitio New Island, Malisbong, Sablayan.
Ayon kay alyas Samjay, iniwan sa kanya ang armas ng isang alyas Paulo na napaulat na kasama sa mga armadong indibidwal na sumakay sa isang pumpboat na dumaong sa bisinidad ng Sitio Wawa, Brgy. San Nicolas, Sablayan, Occidental Mindoro at kalaunay papuntang Mompong River at Brgy Batong-buhay. VERLIN RUIZ