LEYTE- DAHIL sa takot sa buhay kasunod ng mga natatanggap na death threats, sumuko sa Police Regional Office-8 sa Tacloban City ang dating director ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-National Capital Region.
Ayon kay PRO-8 Regional Director Brig. Gen. Rommel Francisco Marbil, mismong sa kanyang tanggapan sumuko si Erwin Ogario na maituturing na high-value target dahil sangkot sa illegal trade ng droga.
Si Ogario ay inisyuhan na ng warrant of arrest mula sa sala ni Judge Elvira Panganiban ng Quezon City Regional Trial Court Branch 227 noong Enero 3, 2019 at matagal na nagtago sa Eastern Samar.
Kasabay ng pagbasa ng warrant of arrest, pinosasan ni Marbil si Ogario.
Ang dating PDEA official ay nahaharap sa kasong importation of dangerous drugs at paglabag sa Section 4, Article II ng Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Si Ogario ay nasibak sa serbisyo noong 2017 at umano’y responsable sa release ng drug importer noong Hunyo, 2015. EUNICE CELARIO