PATAY ang isang dating heneral ng Philippine National Police (PNP) matapos makulong at lamunin ng apoy sa nasusunog niyang tahanan sa Brgy. Tandang Sora, Quezon City nito Miyerkules ng gabi.
Hindi na makilala dahil sa labis na pagkatupok ang biktimang si Ret. Gen. George Ancheta, 76-anyos, residente ng Carmel 3 Subdivison, Brgy. Tandang Sora.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), pasado alas-9 ng gabi nang maganap ang naturang sunog na umabot lamang ng unang alarma bago tuluyang naapula.
Napabayaang kandila sa kuwarto sa naturang bahay ang itinuturong naging sanhi ng sunog.
Ayon sa mga awtoridad, gabi-gabi umanong nagtitirik ng kandila ang mag-asawang may-ari sa loob ng kuwarto ng namayapa nilang anak na posibleng siyang pinagmulan ng apoy.
May kalumaan na ang bahay at gawa sa kahoy ang sahig ng ikalawang palapag, dingding at mga bintana nito kaya’t mabilis itong tinupok ng apoy.
Sinasabing nakalabas na ng bahay ang biktima ngunit bumalik pa sa loob kaya’t na-trapped.
Nakaligtas naman sa sunog ang asawa ng dating police official at ang kanilang kasambahay.
Ang bangkay ng biktima ay natagpuan ng mga rumespondeng bumbero sa master’s bedroom. EVELYN GARCIA