KINUMPIRMA na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pagkakahirang ni Pangulong Rodrigo Duterte kay dating PNP Information Officer General Dionardo Carlos na siyang hahalili sa mababakanteng posisyon ni outgoing Philippine National Police chief Gen Guillermo Eleazar.
Itinalaga ni Pangulong Duterte si Carlos, ang PNP No.4 man ang kasalukuyang PNP Chief of Directorial Staff bilang bagong hepe ng PNP .
Ang pahayag ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ay kasabay ng pagkalat sa social media ng appointment paper ni Carlos bilang kahalili ni Eleazar na magreretiro sa Nobyembre 13.
Base sa appointment paper na nilagdaan ni Pangulong Duterte na may petsang Nobyembre 10, magiging epektibo ang panunungkulan ni Carlos sa Nobyembre 13.
“We confirm that President Rodrigo Roa Duterte signed today, November 10, 2021, the appointment of Dionardo Bernardo Carlos as the new Chief of the Philippine National Police (PNP), effective November 13, 2021,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.
“We are confident that General Carlos will continue making the PNP a professional, capable and reform-oriented organization that we envision it to be,” dagdag pa ni Roque.
Bago maging PNP chief, makulay ang naging assignment ni Carlos dahil isa ito sa pioneer personnel ng Philippine Drug Enforcement Agency na dating nasa ilalim ng PNP.
Halos nalibot din nito ang lahat na critical assignments at dalawang beses naging bahagi ng International Peace Keeping Mission sa Cambodia at East Timor.
Bago marating ang top brass sa PNP, nagsilbing hepe ng Highway Patrol Group si Carlos habang kabilang sa naging puwesto nito ay regional director ng Police Region Office-8; naging director ng Police Community Relations, naging pinuno ng Directorate for Integrated Police Operation-Visayas.
Si Carlos ay miyembro ng Philippine Military Academy Maringal Class of 1988 at uupo sa loob ng anim na buwan dahil sa Mayo 8, 2022 ay mararating na niya ang mandatory age of retirement.
VERLIN RUIZ/ EUNICE CELARIO