DATING PULIS TIMBOG SA KASONG PAGPATAY KINA DACER AT CORBITO

NAGWAKAS na ang mahigit 22 taong pagtatago sa mga awtoridad ng akusado at dating pulis sa pagkamatay nila Salvador Dacer at Emmanuel Corbito makaraang matunugan at salakayin ng mga operatiba ang pinagkukutaan ng salarin sa Pulilan, Bulacan.

Batay sa report na nakarating kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief MGen. Jonnel C Estomo, ang akusado ay nakilalang si SPO1 William Reed lll y Florez, 57 at dating miyembro ng PNP.

Ayon sa ulat nitong nakalipas na Linggo, ganap na ala-1:10 ng hapon, tumawag sa himpilan ng pulisya ang Barangay Poblacion, Pulilan, Bulacan upang ipagbigay-alam na ang naturang akusado ay nasa kanilang lugar.

Agad na bumuo ang mga awtoridad ng puwersa na binubuo ng RIU7-Cebu CIT (lead unit), Pulilan MPS, RIU3, RIU NCR, CTD IG, TSD IG, Cebu CIU, Cebu CPO, at RSOG NCRPO at sinalakay ang kinaroroonan ng akusado para sa paghahain ng warrant of arrest sa National Level Most Wanted Person with Reward kung saan ay matagumpay na naaresto si Reed.

Ang naaresto ay may nakabinbing WOA na may petsang Mayo 25, 2001 na nilagdaan ni Hon. Rodolfo Ponferrada, Presiding Judge RTC Branch 41, Manila na naka-docket sa ilalim ng CC # 01-191969 para sa Double Murder na walang inirekomendang piyansa kaugnay sa kinasasangkutan nitong pagpatay kina Dacer at Corbito noong Nobyembre 24, 2000 sa Makati City.

Nabatid na kasama ang akusado sa listahan ng Most Wanted Persons (National Level) na nakasaad sa DILG Memorandum Circular No 2003-106 na may petsang Enero 10, 2023 na may kaukulang pabuyang P250,000.00 at pansamantalang nakakulong sa pasilidad ng detensyon ng RSOG bago ibalik ang kanyang Warrant of Arrest sa pinanggalingang hukuman.

Sa mensahe naman ni PMGEN Estomo, sinabi niya, “Ako ay nagagalak sa kanilang pambihirang tagumpay na pagkatapos ng 22 taong pagtatago sa harap ng batas, ang akusado ay nahuli na at ang mga biktima at kanilang mga pamilya ay mabibigyan ng hustisya. Hinahangaan ko ang dedikasyon ng ating operating units sa paglaban sa lahat ng uri ng kriminalidad partikular na sa pag-aresto sa Most Wanted Person. Ang kanilang nakamit ay isang kahanga-hangang tagumpay sa aming bahagi at isang kaligayahan sa lahat ng mga naging biktima ng nabanggit na akusado. ayon kay Estomo. EVELYN GARCIA/ THONY ARCENAL