DATING REBELDENG MAY KASONG MURDER NALAMBAT

arestado

NEGROS OCCIDENTAL- NALAMBAT ng mga operatiba ng PNP-Anti kidnapping Group ang  dating miyembro ng New Peoples Army  (NPA) na may kasong murder at frustrated murder sa Brgy. Mao-oa, Bago City sa lalawigang ito kamakalawa ng hapon.

Sa police report, sinalakay ng mga operatiba ng 6th Special Action Battalion ng PNP-SAF at PNP-AKG Bacolod Team ang kuta ng suspek na si Norte Arquener Solinap, bitbit ang warrant of arrest na inisyu ni Judge Felipe  G. Banzon   ng  RTC Branch  6.

Nabatid na si Solinap ay dating kasapi ng NPA Guerrila Platoon sa ilalim ni Roselyn Jean Pelle Command na kumikilos sa Northern Negros na kusang sumuko sa pamahalaan.

At sa ilalim ng Balik-loob program ng pamahalaan, nabigyan ng ayuda si Solinap para makapagbagong buhay.

Subalit nang makabalik sa normal na pamumuhay, luminya na ito sa serye ng  robbery/ hold-up, gun for hire at robbery extortion activities sa Brgy. Ma-ao Victorias Silay at EB Magalona, Negros Occidental.

Narekobet kay Solinap ang isang  cal. 45 pistol na kargado ng bala, 3 magazines ng bala para sa  cal.45 pistol, 17  live ammunition ng  cal.45  at dalawang fragmentation grenade. VERLIN RUIZ

Comments are closed.