MAPAPALABAN sa kantahan sina dating Senador Robert Jaworski at Spokesperson ng KABAYAN Partylist na si Angelica Jones sa ika-9 na anibersaryo ng KABAYAN Partylist ngayong araw, Agosto 19, ala-1 ng hapon sa Ayala Southpark Mall, Alabang, Muntinlupa City.
Ang KABAYAN Partylist ay itinatag ni Congressman Ron P. Salo at ng kanyang mga kasamahan noong Agosto 2009.
Sina Cong. Salo at Cong. Ciriaco S. Calalang ang kasalukuyang kinatawan ng KABAYAN Partylist sa Kamara.
Si Cong. Calalang ang pumalit kay dating Cong. Harry Roque na ngayon ay tagapagsalita ng Pangulo.
Ang mga pangunahing adbokasiya ng KABAYAN Partylist ay kalusugan, pabahay, kabuhayan, edukasyon at OFW (KABAYAN + 2).
Ang KABAYAN Partylist ang isa sa pangunahing nagsusulong ng Universal Health Care (Kalusugan Pangkalahatan), Philippine Mental Health Law, 14th Month Pay, National Minimum Wage, Pagbibigay ng Regular na Sahod sa mga Opisyal ng Barangay, Pagbibigay ng Regular na Honorarium sa mga Barangay Health Workers (BHWs), Barangay Equalization Act o Pagbibigay ng Dagdag na Pondo sa mga barangay, at dagdag na sahod sa mga titser.
“Mananatiling katuwang ng pamahalaan ang Kabayan Partylist sa pagsulong ng mga polisiya at mga batas na higit magpapabuti sa buhay ng bawat Filipino,” ani Cong. Salo. Pangunahing layunin ng KABAYAN Partylist ang bigyang kakayahan ang bawat Filipino na pagandahin ang kanilang buhay sa pamamagitan ng paglilinang ng kanilang kaisipan (critical thinking), kasanayan (competency / craftsmanship), at katauhan (character).
“Patuloy na isusulong ng KABAYAN Partylist ang karapatan at kapakanan ng mga Filipino sa mas maayos na kalusugan, pabahay, kabuhayan at edukasyon, at pagbibigay ng higit na proteksiyon sa ating mga OFWs,” ang sabi naman ni Cong. Calalang.
May mga gobernador, congressmen, mayors at mga iba’t ibang opisyal ng gobyerno ang inaasahang dadalo sa nasabing pagdiriwang ng KABAYAN Partylist. Pararangalan ng KABAYAN Partylist ang mga aktibo at masigasig nitong kinatawan (coordinators), miyembro at mga kaanib na organisasyon mula sa iba’t ibang dako ng Pilipinas.
Libo-libong mga kababayan nating maysakit at mga estudyante ang nabigyan na ng tulong-pinansiyal ng KABAYAN Partylist.
Sina Pangulong Rodrigo R. Duterte, Senate President Tito Sotto, House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, Secretary Bong Go at Mayor Sara Duterte ay nagpaabot ng kanilang pagbati sa pamunuan ng KABAYAN Partylist sa matagumpay na pagsusulong nito ng kanilang adbokasiya para sa mga Filipino.
Maraming mga kongresista at opisyal ng gobyerno ang nagpaabot din ng kanilang malugod na pagbati. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.