(Dating Senadora de Lima hinostage) 3 CRAME DETAINEES PATAY SA TANGKANG PAGTAKAS

LIGTAS si dating Senadora Leila de Lima na tinangkang gawing hostage ng isa sa tatlong detainees na napatay din sa loob ng Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City kahapon ng umaga.

Kinumpirma ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr. na hindi nasaktan ang senadora nang tangkain siyang sungaban at gawing hostage ng isa sa tatlong kapwa niya detainees na agad na neyutralisa sa mabilis na pagkilos ng PNP- Special Action Forces (SAF).

Agad na ipinag-utos ni Azurin ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon sa tangkang pagtakas ng tatlong Person Under PNP Custody (PUPC) sa custodial facility kung saan kabilang dito ang isang kilabot na lider ng Abu Sayyaf na may 34 iba’t ibang kasong kinakaharap.

Kinilala ang tatlong PUPC na sina Arnel Cabintoy, Idang Susukan at Feliciano Sulayao Jr.

Nadakip si Susukan ng PNP noong Agosto 13, 2020 matapos na isuko ni MNLF chairman Nur Misuari.

Si Susukan ay wanted sa ilang high-profile kidnappings cases na may mga pinatay na hostages at wanted din ito sa Malaysia na kasabwat ni Malaysian terrorists Zulkifli Abdihur a.k.a. Marwan at Amin Baco a.k.a. Yohan .

Batay sa inisyal na ulat, nangyari ang insidente dakong ala-6:30 kahapon ng umaga kung saan naghahatid ng pagkain si Cpl. Roger Agustin sa Maximum Compound nang bigla siyang saksakin ng improvised na kutsilyo ng tatlong preso.

Mabilis na sumaklolo ang isang kasamahan ni Agustin at nabaril sina Cabintoy at Susukan habang tumakbo sa selda ni De Lima si Sulayao saka hinostage ang senadora.

“Nag-warning yung isang pulis natin… Nung hindi masawata yung tatlo, binaril niya yung dalawa. Yung isa ay tumakbo dun sa selda ni Sen. de Lima at hinostage si Sen. de Lima,” sa inisyal na ulat na ibinahagi ni Azurin.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng SAF at na-neutralized si Sulayao.
Ligtas na si de Lima habang isinugod sa ospital ang nasaksak na pulis.

“And then, nag responde nang mabilis yung ating kapulisan. They were able to secure, and safe naman po na si Sen. de Lima. So namatay yung tatlong preso na nagtangkang tumakas,” dagdag pa nito.

“Tension inside the detention facility has been defused and the situation has returned to normal while investigation is ongoing to review the security protocols inside the PNP Custodial,” anang PNP . VERLIN RUIZ

PROMOTION, REWARD SA MGA RUMESPONDE
INAASAHANG mapabibilis ang promosyon para maging One-Star General si acting director ng PNP-Headquarters Support Service Acting Director Col. Mark Pespes dahil sa pagkakaligtas nito kay dating Senador Leila De Lima mula sa tangkang hostage taking ng tatlong high profile inmate o Persons Under PNP Custody (PUPC), kahapon ng umaga sa loob ng Camp Crame.

Sinabi ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., bukod sa promosyon, mayroon ding reward na aasahan si Pespes at sa mga tauhan nito na agad rumesponde upang mapigilan pa ang mas malaking disgrasya sa loob ng PNP Custodial Center.

Kabilang sa inaasahang may reward si Cpl. Roger Agustin at PNPCOs Cpl. Matias at iba pang rumesponde.

Kinumpirma naman ni DILG Secretary Benhur Abalos na asahan na ang star rank o 1 star general promotion kay Pespes.

Sinabi naman ni Pespes, bilang miyembro ng SAF ay hindi solid ang tagumpay kung mayroong namatay dahil ang mantra ng SAF ay Tagapaligtas.

“Sa ating hostage, so, very fortunate, na ‘yun nga hindi napahamak ‘yung ating senador” ani Pespes.
EUNICE CELARIO