NAIHATID na sa kanyang huling hantungan ang namayapang ama ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan na si dating Manila Vice Mayor Danilo “Danny” Lacuna sa South Cemetery nitong Biyernes, Agosto 18, 2023.
Dakong alas-12 ng tanghali nang ilabas ang mga labi ni dating Vice Mayor Lacuna sa Cosmopolitan Memorial Chapels and Crematory kung saan ito ibinurol at isinagawa ang funeral procession patungo sa South Cemetery.
Idinaan sa Manila City Hall quadrangle ang nasabing funeral procession upang masilayan sa huling sandali ng mga empleyado ng lokal na pamahalaan ang minahal nila na dating bise alkalde ng lungsod.
Matatandaan na pumanaw sa edad na 85-anyos si Lacuna nitong Linggo ng umaga, Agosto 13, 2023.
Naging Konsehal ng Maynila si Danilo Bautista Lacuna mula 1968 hanggang 1975 at bise alkalde naman noong mga taong 1970 hanggang 1971, 1998 hanggang 1992 at ang pinakahuli noong 1998 hanggang 2007.
Si Danny Lacuna ang nagtatag ng dominanteng lokal na partidong pulitikal sa na Asenso Manileño na naging partido ni dating Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at kasalukuyang Mayor Honey Lacuna.
Nagsilbi ring adviser ng Manila City Hall Reporters Association (MACHRA) ang yumaong Bise Alkalde.
Naulila ng dating bise alkalde ang kanyang maybahay na si Melanie “Inday” Lacuna at limang anak na sina Mayor Honey, Councilors Lei at Philip, Architect Dennis at Liza . VERLIN RUIZ