DATING WORKING STUDENT, MAY-ARI NA NG 2 TECH-VOC TRAINING SCHOOLS, TESDA IDOL PA!

TESDA

“ANG TESDA (Technical Education and Skills Development Authority) ang aking naging hagdan upang ako’y makatulong sa simpleng pangarap ng aking mga kababayan. Proud  akong produkto ng TESDA. Napakapalad ko sapagkat ako ay nakabilang sa mga “Idols ng TESDA 2019” kung saan ako ay masuwerteng na­nalo bilang 2nd  Runner Up- Self-Employed Category.”

Si Zander Amadeo M. Prospero, taga-Batangas,  professional culinary, at  TESDA Region 4-A  Idol winner, na itinanghal  bilang 2nd Runner-up sa national level sa nasabing patimpalak ng ahensiya. Ang kanyang mga kuwalipikasyon: FBS,  Housekeeping NC II, 2015; Driving NC II, 2017; Food and Beverage NC II, 2015; Cookery NC II, 2019 (renewal); Bread and Pastry Production (BPP) NC II, 2019 (renewal)

Zander Amadeo Prospero
Zander Amadeo M. Prospero

Siya’y nakapagtapos ng mga kursong B.S. in Hotel and Restaurant Management (HRM)  noong 2007 sa  First Asia Institute Technology and Humanities (FAITH),  at Master in Business Administration.  Ang kanyang  kauna-unahang  TESD program ay  Food and Beverage Servicing FBS) na tinapos noong 2002.

“At taon 2015 naitayo ko ang aking pangarap na Training and Assessment Center, ang  Best Mind Skills Training and Assessment Center Inc. (Malvar) at taong 2017 naman naitayo ang isa pang training center, GOALS Training and Assessment Institute, Inc. (Lipa) At sa awa ng Diyos, napakarami nang natulungang mga  kababayan namin  sa pamamagitan ng  mga TESDA  scholarship programs  na katuwang ko upang maihatid ang maayos na  serbisyo.”

Ibinahagi  ni Zander ang ilang formula ng  kanyang tagumpay sa pag-abot ng mga pa­ngarap nito, ‘determination, dedication and decisiveness. Galing siya sa isang mahirap na pamilya, pangatlo siya sa apat na magkakapatid at ang lola nila na isang kasambahay at nanay nila na naglalako ng pansit at mga kakanin  ang nagtaguyod sa kanila upang makapagtapos sila  sa pag-aaral.  Sa  edad na walo,  naranasan ni Zander  na  mamulot  ng mga pako, bakal, bote at iba pang kalakal na puwedeng pagkakakitaan para may pandagdag sa araw-araw nilang pagkain.  Mula Grade 3 hanggang 3rd-year high school, nag-working student siya bilang janitor  sa  John Bosco Academy(JBA).    Kumuha siya ng kursong  engineering at habang nag-aaral sumailalim siya sa Food and Beverage Waitering training  sa Advance Technical. Nang matigil  sa pag-aaral sa kolehiyo, ginamit nito ang natutunang skills at  namasukan bilang waiter, taga-hugas ng plato at taga-set up sa isang catering service. Nang makabalik sa pag-aaral, kumuha siya ng kursong HRM sa FAITH at pagka-graduate pumasok siya sa  JBA na multi-tasking bilang credit collector, HRM head at trainer ng  kanyang mga hawak na kuwalipikasyon. Naging dean/head din siya ng iba’t ibang institutions at assessor ng FBS , Housekeeping, Cookery,  at Bread and Pastry Production. Dumalo rin siya sa Singapore Basic Food Hygiene Workshop na ginanap sa Singapore para hasain pa ang kanyang skills sa FBS.

Payo sa mga gustong magtagumpay, ‘huwag matakot mangarap.’  Aniya, marami mang balakid at pag-subok sa buhay naniniwala siya na andiyan ang  Poong Maykapal upang akayin tayo na unti-unting abutin ang mga mithiin natin sa buhay.  “Huwag po na­ting palampasin ang mga oportunidad na pinagkakaloob ng TESDA.  Napakaraming programa ng TESDA para sa mga kapwa Pilipino. “TESDA Abot Lahat.”

Comments are closed.