PINAALERTO ni Senadora Imee Marcos ang mga awtoridad sa mga International Airport at Seaports para hindi malusutan ng mga carrier ng bagong strain ng Pneumonia- causing virus o Coronavirus na posibleng manggaling sa China, Japan o Thailand.
Ito ay sa harap ng inaasahang pagdagsa sa bansa ng mga Tsino na posibleng carrier ng virus ngayong pagdiriwang ng Lunar New Year.
Nagbabala rin si Marcos na malamang na makalusot papasok ng bansa ang virus dahil sa maluwag na immigration procedure sa Philippine offshore gaming operators (POGOs) na maaaring infected.
Nauna nang na trace ang virus sa hayop at seafood market sa Wuhan, ang kabisera ng Central mainland province ng Hubei.
Paalala ni Marcos, bagaman inihayag ng World Health Organization (WHO) na hindi pa siguradong naisasalin ng tao-sa-tao ang virus, kailangang kasado na ang mga precautionary measures sa mga International airport at seaports para maiwasan ang banta ng pagkalat ng virus, partikular na sa Maynila at Cebu kung saan direktang pumapasok ang mga biyahero mula sa China.
Sinabi pa ng senadora, bukod sa health scans at ports of entry, dapat nang ikasa ng Department of Health ang quarantine sa mga taong posibleng infected ng virus bilang bahagi ng standard operations procedure sakaling mag-anunsiyo na ang WHO na may epidemya.
“Ganyan kasi nangyari sa atin sa HIV. Nagulat na lang tayo na biglang exponential na ang increase dahil hindi tayo naging maagap. Sa Pilipinas ang may pinakamabilis na paglaganap ng sakit sa buong Southeast Asia,” babala ni Marcos.
“Dapat maging alerto at magpatupad ng precautionary measure ang Department of Health, Manila International Airport Authority at iba pang ahensiya ng gobyerno para ‘di makalusot ang Coronavirus na maaaring manggaling sa China, Thailand, o Japan”, sabi ni Marcos.
Base sa report ng Chinese Health Authorities, may apat katao na ang namamatay mula sa virus habang mahigit sa 200 na ang na-infect sa mainland China, at mangilan-ngilan din sa Thailand at Japan. Gayunman, sa pagtataya ng UK, maaaring umabot ang aktuwal na bilang ng infected sa 1,700 sa buong mundo. VICKY CERVALES
Comments are closed.