DAVAO CITY CACAO CAPITAL NG PINAS

Davao is Cacao Capital

OPISYAL nang kinilala ng Department of Agriculture (DA) ang Davao City bilang cacao capital ng Filipinas.

Ito ang inanunsiyo ni Agriculture Secretary William Dar sa harap na rin ng patuloy na pananatili ng siyudad bilang top producer ng cacao beans sa buong rehiyon.

Magugunitang noong nakaraang taon ay nakapag-angkat  ang Davao City ng 2,289.74 metric tons (MT) ng cacao o katumbas ng 38 porsiyentong regional share nito.

Napag-alaman na  kasama ang limang iba pang probinsya sa rehiyon na kinabibilangan ng Davao del Sur, Davao de Norte, Davao de Oro, Davao Occidental, at Davao Oriental, ang kabuuang kontribusyon ng rehiyon sa national production noong 2019 ay umabot ng 5,960.23 MT o 70.21 porsiyento ng total national output.

Ginawa ang deklarasyon sa harap ng pagiging consistent ng produksiyon ng high-quality beans mula sa Davao region.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), mula 2015 hanggang sa kasalukuyan, ang regional yield ay nag-aambag ng tinatayang average na 80 porsiyento ng kabuuang volume na naiaangkat sa buong bansa.

Kaugnay nito, hinimok ni Dar ang mga stakeholder at maging ang pribadong sektor na ipagpatuloy ang partnership sa pamahalaan kasunod ng pagbibigay ng katiyakan ng suporta sa Davao bilang ‘exporting capital’ ng Filipinas.

“Aside from cacao, Davao has much local agricultural produce that are brought to the global market,” sabi ni Dar.

“Let us work together towards a food-secure and resilient Philippines,” dagdag pa ni Dar.

Nabatid na ang Davao cacao beans ay napili kamakailan bilang isa sa  top 50 samples ng 2017 Edition of the Cocoa of Excellence Programme, ang entry point para sa International Cocoa Awards sa Paris, France.

Kinilala rin ito bilang isa sa world’s best ng mga chocolate maker mula sa America, Japan, at Europe. BENEDICT ABAYGAR, JR

Comments are closed.