DAVAO CITY KAMPEON SA BATANG PINOY MINDANAO LEG

BATANG PINOY

DAVAO DEL NORTE – Hindi napigilan ang Davao City na muling angkinin ang pangkalahatang kampeonato  makaraang  pagharian ang  14 sa  20 pinaglabanang sports sa pagtatapos ng Mindanao Qualifying Leg ng 2019 PNYG-Batang Pinoy na ginanap sa Davao Del Norte Sports and Tourism Complex.

Bagama’t wala pang  resulta ang  indoor volleyball na pinaglalabanan ng Davao City at Talaingod sa UM Tagum Gym, hindi na maaabot pa ang Davao City na kumolekta ng kabuuang 56 ginto, 39 pilak at 58 tanso para sa pangkalahatang 152 medalya.

Nahigitan ng Davao City ang kinamada noong  nakaraang taon na kabuuang 54 ginto sa pagdomina  sa sports na archery, arnis, athletics, baseball at basketball boys, chess, dancesports, futsal (girls U15, U13 at boys U15), karatedo, taekwondo, lawn tennis, boxing, beach volleyball at ang medal rich na swimming.

Kumubra ang  Davao City ng mga ginto sa archery (5), arnis (7), athletics (6), baseball (1), basketball (1), chess (2), dancesports (1), futsal (4), karatedo (7), swimming (17), taekwondo (3) at tennis (2) upang agad ibulsa ang ikatlo nitong pangkalatahang titulo sa nakalipas na apat na edisyon ng multi-sports na torneo.

Pinakahuli naman na nakapagwagi ng apat na gintong medalya si Aaron Gumban ng Sto. Tomas, Davao Del Norte matapos idagdag kahapon  ng umaga ang 1,500m run sa tinakbo na 4:37.90 bago nakipagtulungan kina Frits Gian Anasco, Dominic John Gorre at Jomel Mosquitter sa itinalang 3:56.99 minuto sa 4x400m relay sa athletics.

Nagwagi naman ng tatlong gintong medalya ang mga kakampi nito na sina Mosquiter at Gorre. Nagwagi si Mosquiter sa boys 110m hurdles (15.83s) at high jump (1.52m) habang si Gorre ay sa boys 400m run (54.54s) at 800m (2:11.54s).

Tatlong ginto rin ang nakopo  ni Bea Burbe ng Davao City na nadominahan ang girls 100m (13.31s), 200m (27.86s) at  4x400m (4:32.55s), kasama  sina Princess Nina Chryszel Arias, Lissel Bajenting at Kate Duffy McDowell.

Unang nakakuha ng dalawang ginto sa athle­tics si Gumban sa 2000m steeplechase sa bilis na 7:06.11 matapos na kunin  ang ginto sa athletics sa 5000m run.

Dalawang ginto rin ang iniuwi nina Jeanky Damina ng General Santos sa athletics sa pagwawagi sa girls high jump (1.35m) at girls 800m (2:11.54) at  Febie Joy Mancera ng Hagonoy, Davao Del Sur na nagwagi sa  girls discus throw (28.28m) at girls shot-put (9.66m). Dalawa rin kay Rona Bacus sa triple jump (11.01m) at long jump (4.77m).

Una nang humakot ng pitong ginto si John Carlo Loreno ng Koronadal City sa archery, habang kumolekta si Lisa Margaret Amoguis ng Davao City ng limang  ginto sa swimming at nagsubi si John Alexander Talosig ng North Cotabato ng anim na ginto  sa  swimming, gayundin si Precious Micah Basadre ng Koronadal City ng limang ginto sa archery.

Ikalawa sa overall medal tally  ang Cagayan De Oro na may 33-23-42=98, kasunod  ang General Santos City sa tinipon na 27-33-31=91,  Davao Del Norte (24-25-24=73) at Koronadal City na may  22-12-9=43.

Ang Batang Pinoy ay bahagi ng grassroots sports program ng Philippine Sports Commission na layong humubog ng mga dekali-dad na atleta  para sa mga pambansang koponan.

Comments are closed.