DAVAO DEL NORTE – Tuluyang kinuha ng defending champion Davao City ang liderato matapos ang ikalimang araw ng mainit na bakbakan habang nagtala ng impresibong panalo ang atleta ng Sto. Tomas sa Davao Del Norte sa athletics at Koronadal City sa archery sa ginaganap na 2019 Mindanao leg ng Batang Pinoy.
Dinomina ng Davao City ang swimming, archery, arnis, taekwondo, karatedo at sumungkit ng ginto sa dance sports upang angkinin ang kabuuang 27 ginto, 21 pilak at 39 na tanso para sa kabuuang 87 medalya. Nasa ikalawa at ikatlong puwesto ang Koronadal City na may 18-9-6-33 at Davao Del Norte sa 17-15-13-45, ayon sa pagkakasunod.
Limang ginto ang natudla ni Kristine Madeline Ibag sa archery habang nagtulong ang magkapatid na Liaa at Lora Micah sa apat na ginto sa swimming upang agad na ilayo ang naghahangad sa ikalawang sunod na overall title na Davao City sa malaking kalamangan sa gintong medalya.
Mainit namang sinimulan ni Aaron Gumban ng Sto Tomas, Davao del Norte ang unang araw ng athletics matapos na ikutan ang lahat ng nakalaban tungo sa pagwawagi ng ginto sa 5000 meter run boys 13-15.
Agad din nitong sinungkit ang ikalawang gintong medalya kinahapunan matapos madominahan ang 2,000 meter steeplechase sa oras na 7 minuto, 06.11 segundo upang maging unang atleta na nakadalawang ginto sa athletics.
Si Gumban, anak ng isang Overseas Filipino worker (OFW) na nasa Dubai, ay nagtala ng 17:14.00 tiyempo para muling pagharian ang paborito nitong event at kunin ang panalo sa kanyang huling taon sa nasabing kumpetisyon na bahagi ng grassroots sports program ng Philippine Sports Commission (PSC).
“Masaya po, kasi last year ko na sa Batang Pinoy at naka-gold po ulit,” sabi ng 14-anyos na si Gumban, na halos mabura ang national junior record sa event na naitala ni Hector Begeo na 14.44.44 segundo noong Disyembre 12, 1982 sa 9th Asian Games sa New Delhi, India.
Nagwagi ng ginto si Gumban noong 2018 Batang Pinoy na ginanap sa Oroquieta City subalit bigo na makapaglaro sa National Finals sa Baguio matapos na magtamo ng ankle injury.
Naging emosyonal at hiniling ni Gumban na muling makita ang kanyang ina na dalawang taon na niyang hindi nasisilayan buhat nang umalis upang magtrabaho sa Dubai.
“Uwi ka na, ma,” naiiyak na pahayag ni Gumban. Pumangalawa kay Gumban si Lordy Salpid ng General Santos City sa oras na 19:05.07, at pumangatlo si Romie Laviste, Jr. ng Hagonoy Davao del Norte, sa 19:12.66.
Ibinulsa naman ni Rona Bacus ng Cagayan de Oro City ang ginto sa tinalon nito na 11.01 metro sa triple jump.
Sa swimming, apat na ginto naman ang hinakot ni John Alexander Michael Talosig ng North Cotabato sa kanyang nilangoy na limang events sa una at ikalawang araw.
Unang nakuha ni Talosig ang ginto sa 200m IM sa bilis na 2:19.74, na sinundan ng ikalawang ginto sa 1500m freestyle sa oras na 17:52.25.
Sa ikalawang araw ay pinagharian ng 14-anyos na si Talosig ang 400m IM sa 5:00.58 at ang 200m freestyle kung saan naitala niya ang 2:05.43.
Comments are closed.