DAVAO REGION- ISINAILALIM na sa state of calamity ang Davao de Oro bunsod sa matinding pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng walang tigil na pagbuhos ng ulan.
Idineklara ng lokal na pamahalaan ang state of calamity nitong nakalipas na araw ng Sabado ng gabi kasunod ng pagpasa ng resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan.
“Ang pagpasa ng isang deklarasyon para sa isang State of Calamity ay nagbibigay-daan sa nararapat na pagtugon at mga pagsisikap sa pagbawi sa pamamagitan ng paggamit ng Quick Response Fund nito at agarang matugunan ang mga pangangailangan ng mga apektadong pamilya at indibidwal,” saad sa abiso.
Ayon sa mga awtoridad ng kalamidad sa probinsiya, 12 katao ang namatay sa naganap na pagguho ng lupa na dulot ng pag-ulan sa Monkayo at Maragusan. Samantala 51,140 kabahayan, o 182,653 indibidwal, ang naapektuhan ng malakas na pag-ulan sa buong lalawigan.
Ang kanilang inisyal na pagtatala ay nagpakita na ang pinsala sa agrikultura ay nasa P130 milyon, na nakakaapekto sa mahigit 3,700 magsasaka at magsasaka ng isda.
Nabatid na una nang nagdeklara ng state of calamity ang lokal na pamahalaan ng Davao del Norte nuong nakalipas na araw ng Biyernes.EVELYN GARCIA