NIYANIG ng magnitude 5.9 na lindol ang Davao De Oro province nitong Martes ng hapon.
Ayon sa Phivolcs, naramdamn ang pagyanig dakong alas-2:02 ng hapon sa lalim na 34 kilometro na ang epicenter nito ay matatagpuan 13 kilometro hilagang-kanluran ng bayan ng Maragusan.
Sinabi nito na ang lindol ay maaaring magdulot ng aftershocks at pinsala.
Una nang iniulat ng Phivolcs ang magnitude ng pagyanig sa 6.2 at kalaunan ay ibinaba ito sa 5.9.
Naramdaman ang Intensity 5 sa Maco, Maragusan, Nabunturan, New Bataan, at Pantukan sa Davao de Oro, habang Intensity 4 sa Monkayo, Davao de Oro; Tagum, Davao del Norte; at Bislig, Surigao del Sur.
Naramdaman naman ang Intensity 3 sa Santa Cruz, Davao del Sur; Lungsod ng Davao; Lungsod ng Mati, Davao Oriental; Intensity 2 – Lungsod ng Cagayan De Oro; Antipas, Carmen, at City of Kidapawan, Cotabato; Columbio, Sultan Kudarat; Intensity 1 sa Aleosan, Cotabato; Esperanza, Lutayan, at Pangulong Quirino, Sultan Kudarat.
Wala pa namang napapaulat na casualty at mga napinsala ng lindol.
EVELYN GARCIA