NABULABOG ang mga residente ng lungsod ng Koronadal at iba pang bahagi ng Mindanao dulot ng naitalang intensity 5 na lindol pasado alas-7:00 ng umaga nitong Sabado.
May kalakasan ang lindol kung saan kapansin-pansin ang paggalaw ng pinto at ilang kagamitan ngunit nagtagal lamang ito ng ilang segundo.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang sentro ng lindol na naganap dakong alas-7:07 ng umaga na nasa 24 kil-ometers northwest ng Don Marcelino, Davao Occidental na may magnitude 5.5.
Natukoy din ang lalim ng epicenter sa 97 kilometro kung saan naapektuhan ang ilang mga lugar ng pagyanig katulad ng Intensity 5 sa Koronadal City, Intensity 3 sa Davao City habang may Instrumental Intensities gaya ng Intensity 5 sa Alabel, Sarangani; General Santos City, South Cotabato; Intensity 4 sa Kiamba, Saranggani; Intensity 3 sa T’Boli, South Cotabato, Davao City.
Agad ding nilinaw ng Phivolcs na wala silang inaasahang danyos sa naturang pagyanig subalit nag-abiso ito sa publiko sa mga susunod pang mga aftershock. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.