DAVAO OCCIDENTAL ‘INSURGENCY-FREE’ NA

DAVAO OCCIDENTAL- IPINAGMALAKI ni 10th Infantry Division Commander Major General Nolasco Mempin na opisyal na nilang naideklara na Insurgency-Free Province ang lalawigang ito.

Sa ginanap na Unveiling of Legislative Building ceremony sa Provincial Capitol, Malita, Davao Occidental ay magkasamang inihayag ng Provincial Local Government Unit ng Davao Occidental at 10th Infantry “Agila” Division na officially declared ang lalawigan bilang Insurgency-Free.

Kasunod ito ng pahayag ng militar na tuluyan na nilang nabuwag ang Guerilla Front Tala ng Communist Terrorist Group (CTG) na dating kumikilos sa lalawigan.

“I tip my hat off to our security forces, the men and women of the Armed Forces of the Philippines and the Philippine National Police, who painstakingly worked hard with the Local Government and the populace to free the province of Davao Occidental from Insurgency. I am confident that more development initiatives will spur profound progress in the province and improve further the people’s living conditions,” mensahe ni Defense Officer-in-Charge Senior USec. Jose C. Faustino Jr. na binasa ni Eastern Mindanao Command Commander Lt. Gen. Greg Almerol.

Magugunitang taong 2016, ang Guerilla Front Tala ay may 43 manpower, 89 firepower at 5 CTG-affected barangays, subalit lahat ito ay bumaba sa zero.

Sumaksi sa pagtitipon sina Senador Ronald “Bato” Dela Rosa bilang guest of honor and speaker; Davao Occidental Governor Franklin Bautista; Vice-Governor Lorna Bautista-Bandigan; mayors; at representatives mula sa ibat ibang government agencies.

Gayundin, sinabi rin ni Mempin na kumpiyansa itong mabubuwag na rin nila ang Guerilla Front 18 at Guerilla 57 dahil sa pinaigting na kampanya laban sa mga rebelde.

Ito ay makaraang matunton ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulis ang imbakan ng mga armas ng communist terrorist group sa Barangay San Isidro, Davao Oriental.

Sa report na ibinahagi ng 10th Infantry Division, nagsagawa ng search and recovery operation sa pangunguna ng 701st Infantry Brigade kasama ang 66th Infantry Battalion, 48th Infantry Battalion, Philippine National Police (PNP) at iba pang intelligence units sa nasabing barangay matapos na matukoy ang pinagtataguan ng mga sandata ng NPA base na rin sa impormasyon ng mga dating lider ng Guerilla Front 18 na sina Ka-Baytol at Ka-Radz.

Kabilang sa nakuha ang dalawang M16A1 rifle, isang attached M203 grenade launcher, isang M14 rifle at iba pang mga armas na gamit ng CPP-NPA. VERLIN RUIZ