DAVAO PROSECUTOR PATAY SA PANANAMBANG

DAVAO DEL SUR- AGAD na binawian ng buhay ang isang 54-anyos na babaeng prosecutor matapos tambangan habang pauwi sa bahay nito sa Digos City.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Digos City Police Station, kinilala ang biktima na si Eleanor Dela Peña na sakay ng kanyang pick-up truck nang mangyari ang pamamaril.

Ang biktima ay nagtamo ng isang tama ng bala ng baril sa ulo na nagresulta sa agarang kamatayan nito.

Ang suspek naman na half-brother ni Dela Pena ay naaresto na ng Digos City Police.

Natukoy ang suspek matapos na magbigay ng pahayag ang anak ng biktima batay sa CCTV footage sa lugar.

Narekober mula sa suspek ang 10 12-gauge shotgun shells, 27 5.56mm live rounds, isang M16 rifle magazine, at helmet at jacket na ginamit sa krimen.

Tinitingnan ng pulisya na isa sa mga motibo ng krimen ay ang awayan sa lupa.

Kinondena naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang insidente at nangako ng hustisya para kay Dela Pena.

Ang biktima ay nagsilbing assistant provincial prosecutor ng Office of the Provincial Prosecutor sa Davao Occidental.

“There should be no place in society for such barbaric acts, totally abhorrent and sinister, transgressing the most fundamental aspect of humanity and life,” saad sa pahayag ni Remulla.

Inatasan na ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng parallel investigation sa krimen at gumawa ng agarang aksyon para sa seguridad ng mga abogado.
EVELYN GARCIA