DAVAO RALLY, NILANGAW?

HINDI  aabot sa sampung libo katao diumano ang dumalo sa katatapos lamang na Hakbang ng Maisug peace rally na ginanap sa Davao del Norte Sports and Tourism Complex, Tagum City nitong nakaraang Linggo.

Ito na ang ikatlong rally na inorganisa ng mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang pagtutol sa Charter change

Samantala, patuloy naman na naninindigan ang Armed Forces of the Philippines sa kanilang sinumpaang propesyonalismo, katapatan sa Konstitusyon at pagsunod sa Chain of Command.

Ayon kay AFP spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla, “Our soldiers, pilots, sailors and marines remain dedicated to our mandate of safeguarding the sovereignty and territorial integrity of the Philippines, regardless of any political affiliations or individuals in authority.”

Ang pahayag na ito ni Padilla ay nag-ugat sa pahayag ni Davao Del Norte 1st District Representative Pantaleon Alvarez sa Hakbang ng Maisug rally na humihikayat sa AFP na bawiin na ang kanilang suporta kay President Ferdinand Marcos, Jr. upang mapilitan na itong bumaba sa puwesto.

Dagdag pa ni Padilla, mandato ng AFP na protektahan ang mamamayang Pilipino at siguraduhin ang pananaig ng batas at gagampanan nila ang mga tungkuling ito nang may integridad, walang kinikilingan at may lubos na dedikasyon.

Ayon naman kay Philippine National Police spokesperson Colonel Jean Fajardo, pag-aaralan ng kanilang legal officers kung ang naturang pahayag ni Alvarez ay isang uri ng sedisyon o panunulsol laban sa pamahalaan.

Pagdidiin ni Fajardo, may karapatan ang mga taong magsalita ng kanilang mga damdamin subalit sa panig ng PNP ay mananatili silang tapat sa Konstitusyon at mamamayan at sanay huwag magamit ang mga uniformed personnel sa mga isyung political.