MAGUINDANAO DEL SUR- PATAY sa encounter ang isang miyembro ng Dawlah Islamiyah sa Datu Hoffer Sabado ng umaga.
Kinilala ni Philippine Army 6th Infantry Division (ID) spokesperson Lt Col. Dennis Almorato ang nasawi na si Mermo Mling, kasapi ng Dawlah Islamiya- Hassan Group.
Nakuha din ng tropa ng militar sa pinangyarihan ng engkwentro ang mga kagamitang pandigma na kinabibilangan ng isang M14 rifle, isang M79 grenade launcher, isang SMG caliber .45, dalawang improvised explosive device (IED) mga magazine, isang unit ng baofeng radio, dalawang keypad ng cellphone at iba pang personal na gamit.
Sa inisyal na ulat, sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng mag terorista at miyembro ng Joint Task Force Central dakong 6:28 ng umaga sa Sitio Mayan, Barangay Labu-Labu II, Datu Hoffer, Maguindanao del Sur.
Sinabi ni Brig. Gen. Oriel Pangcog, commander ng 601st Brigade na naging mabilis ang reinforcement ng mga sundalo at agad na binantayan ang lahat ng lagusan kung saan maaring makatakas ang mga terorista.
Dakong 7:00 ng umaga ay nakasagupa ng Charlie company ng 40IB ang lima pang terorista sa pamumunod ni Nasser Guinaed sa Barangay Poblacion sa bayan ng Ampatuan.
Matapos ang bakbakan ay nagsitakas ang mga terorista at iniwan ang katawan ng kanilang kasamahan.
Agad namang pinuri ni Major General Alex S. Rillera, commander ng 6th ID ang kanyang mga tauhan sa kanilang matagumpay na operasyon. VERLIN RUIZ