ISA rin ang maganda at mahusay na actress, si Ms. Dawn Zulueta, sa ayaw na munang gumawa ng teleserye at mas pinili na lamang niyang gumawa ng movie.
Nakausap si Dawn ng ilang press na dumalaw sa set ng movie nilang “Family History” a co-production venture ng GMA Pictures at Mic Test Entertainment, Inc. na pag-aari ng mag-asawang Michael V at Carol Bunagan.
Inamin ni Dawn na two or three years ago pa niya napagdesisyunan na huwag na munang gumawa ng teleserye dahil napi-picture na niyang magiging teenager na ang panganay niyang anak na lalaki. Ang second child nila ni Congressman Anton Lagdameo ay 10 years old na rin.
“Inisip ko na noon pa na dapat ay kasama na ako ng mga anak ko ngayong magbibinata na sila,” lahad ni Dawn. “Ibig sabihin noon, mas maraming oras ang kailangan na kasama nila ako, hindi lamang quality time, quantity time din. Kaya hindi puwedeng may teleserye ako na hindi ko alam kung anong oras akong makakauwi ng bahay, mauubos talaga ang oras mo kapag may teleserye ka. Parang wala ka nang buhay, hindi ka puwedeng magkasakit, hindi ka puwedeng magbakasyon, hindi mo alam kung hanggang kailan ganoon ang schedule mo. Saka wala namang magandang offer, sorry, pero iyong mga soap na ini-offer sa akin, hindi naman ako na-excite.
Pero hindi tinanggihan ni Dawn si Michael V nang i-offer ang “Family History” na nagustuhan niya ang concept.
“Matagal na kaming magkakilala ni Bitoy pero this is our first time na magtatambal kami. Gaganap kaming mag-asawa pero magkakahiwalay. Hindi pa namin puwedeng sabihin ang story, pero ito ang isang dramedy with a twist. Iyong last two shooting days namin doon na malalaman kung ano ang twist.”
Ano ang nakita niya kay Bitoy habang nagdidirek ng movie na siya rin ang sumulat at siya ang actor na gumaganap?
“Alam nating comedian si Bitoy, pero he’s very sensitive pala. Minsan, nakikita ko na lamang na umiiyak na siya. He’s an artist, an actor. Malalaman ninyo ang sinabi ko kapag napanood na ninyo ang movie namin, sometime in June, 2019.”
MIGUEL TANFELIX INAMIN NA HINDI NAGING SILA NI BIANCA UMALI
HINDI napilit ng mga press na bumisita sa shooting ng “Family History” na paaminin si Miguel Tanfelix na naging sila ng ka-love team na si Bianca Umali, sa loob ng ten years na nilang magkatambal sa more than ten teleseryes na ginawa nila sa GMA 7.
“Hindi po kami, hindi po naging kami ni Bianca,” nakangiting sagot ni Miguel. “Talaga pong naging close kami, sobra, magkasundong-magkasundo kami at hindi na po iyon mababago. Lagi kaming masaya sa set, tawanan lamang nang tawanan. Si Bianca po, nagko-confide sa akin, ganoon din naman ako sa kanya.”
Bukod sa “Family History,” na si Miguel ay anak nina Michael V at Dawn Zulueta, si Bianca ay anak nina Ina Feleo at John Estrada, magkatambal din sina Miguel at Bianca sa top-rating epicserye na “Sahaya.” May isa pa silang natapos, a horror movie, ang “Banal,” for APT Entertainment, na showing na sa May 29, at susundan ito ng “Family History” by June.
Comments are closed.