NAGING mahigpit ang seguridad na inilatag ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa unang araw ng 30th Southeast Asian Games na sinalihan ng 10,934 na mga atleta mula sa 11 bansa.
Nagpatupad din ng security adjustment ang PNP, AFP, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard, National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) at Office of Civil Defense na lead agency ng Joint Task Group Emergency preparedness and response (JTGEPR) kasunod ng anunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na libre nang manood ang publiko sa halos lahat ng mga laro ng nasabing sporting event.
Ayon kay 30th SEA Games Security Task Force Commander, BGen. Rey Lyndon Lawas, kailangan nilang mag-adjust sa seguridad dahil aasahan na nila ang buhos ng mga manonood.
Sa pagtataya ng NDRRMC at OCD aabot sa 12,000 na spectators ang kayang dumagsa sa game venue subalit madaragdagan pa ito lalo na’t 10,000 ang maaaring makapanood nang libre dahil sa kautusan ng Pangulo.
Una nang ipinagbawal ang backpack at tanging transparent bags lamang ang maaring gamitin.
Nabatid na may 56 sports, 529 events sa 43 competition venues at walong non-competition venues sa Region 1, III , Calabarzon at Metro Manila. VERLIN RUIZ
Comments are closed.