DAYAAN SA ELEKSIYON, IMPOSIBLE – COMELEC

TINIYAK ng Commission on Elections (Comelec) na hindi maaaring magkadayaan sa pamamagitan ng hindi awtorisadong mga balota at vote counting machines (VCMs).

Ito ay tiniyak ni Director Jeannie Flororita ng Information and Technology Department (IT) ng Comelec sa ginagawang demonstration o pagpapakita ng komisyon sa sistemang gagamitin para sa Eleksiyon 2022.

Paliwanag ni Flororita na bawat presinto ay may vote counting machine kung saan may partikular na balotang nakalaan para roon lamang gamitin.

Hindi tatanggapin ng vote counting machine ang balota na hindi nakalaan at isa ito sa seguridad para labanan ang anumang posibleng tangkang dayaan.

Samantala, bilang na ang mga araw ng mga campaign materials na ikinabit ng lahat ng mga kandidato.

Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, simula sa araw ng Biyernes, Marso 25, ay simula na rin ng kampanya para sa lokal na posisyon.

Sinabi ni Garcia na nangangahulugan ito na saklaw na ng patakaran sa pagkakabit at pagtatanggal ng campaign materials ang mga kandidato sa pagka-gobernador hanggang konsehal sa mga bayan at lungsod.

Dagdag pa ni Garcia na sakop din lamang ng TRO ng Korte Suprema sa Oplan Baklas ang mga nasa pribadong lugar.

Kaya naman lahat aniya ng poster at tarpaulin sa mga hindi awtorisadong pampublikong lugar ng mga kandidato sa lokal at pambansang posisyon ay maaari nang tanggalin.  JEFF GALLOS