DAYAAN SA HALALAN WALANG BASEHAN-DILG

SINAGOT ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya ang mga nagsasabing nagkaroon ng dayaan sa halalang idinaos sa bansa noong Mayo 9, 2022.

Ayon kay Malaya, walang basehan ang mga naturang alegasyon at hindi suportado ng anumang datos at facts.

Nanindigan si Malaya na napakaganda ng naganap na halalan at maituturing na isa sa mga pinakamatagumpay na eleksiyong idinaos sa bansa.

“Essentially napakaganda po ng nakaraang eleksiyon. I think this is one of the most successful conduct of elections in recent memory,’’ pahayag pa ni Malaya, sa idinaos na National Task Force to End Local Communists Armed Conflict (NTF-ELCAC) press briefing nitong Martes.

Sinabi pa ng DILG official na ang mapayapang election process ay bunga ng mga repormang ipinatupad ng pamahalaan, kabilang na ang automation ng halalan, pagpokus sa deployment ng mga police officers sa lahat ng lugar at pag-dispatch ng Philippine National Police (PNP) personnel sa mga lugar, kung saan nakakaranas ng harassment at intimidasyon ang mga guro.

“Kasi bago ako napunta sa DILG I was with the Department of Education (DepEd) and (during) election we were the ones deploying teachers for the elections and I think the reforms that we did since the beginning up to now including the automation of the elections, the focused deployment of police in all areas, the use of PNP officers as BEIs (Board of Elections Inspectors) in areas where there is harassment and intimidation of regular teachers,” ani Malaya.

Bagamat mahaba aniya ang pila ng mga botante sa mga voting precinct, maliit na porsiyento lamang din ng mga vote counting machines (VCMs) ang nagkadiperensiya.

“Yung walang problema (VCM) is 99.2 percent. So there is really no debate (election results) anymore,’’ dagdag pa ng DILG official. EVELYN GARCIA