#DAYOFTHEGIRL

USAPING BABAE

KAHAPON ko lamang nalaman na may araw pala na itinakda ang United Nations (UN) para sa mga batang babae at ito nga ang International Day of the Girl na ipinagdiriwang tuwing ika-11 ng Oktubre.

Ayon sa UN, ang #DayoftheGirl ay inilaan upang tugunan ang mga hamon na hinaharap ng mga batang babae habang itinataas ang kanilang katayuan at itinataguyod ang kanilang mga karapatan.

Sinasabing sa 600 milyong adolescent girls na papasok sa trabaho sa susunod na dekada, mahigit sa 90% sa kanila na nakatira sa hindi maunlad na bansa ay magtatrabaho sa impormal na sektor kung saan mababa o walang pasahod at tipikal ang pang-aabuso.

Kaya kasama sa itinutulak ng UN ang pagpapalawig ng pagkakataon para sa mga batang ito ang matuto at makapag-aral. Ito ang tema ng pagdiriwang sa taong ito – With Her: A Skilled GirlForce.

Isa sa sumuporta sa panawagang ito ang aktres na si Danai Gurira na mas kilala bilang Okoye, ang chief security ni Black Panther. Sa isang artikulo, sinabi ni Danai na 130 milyong batang babae ang hindi nakakapasok sa eskuwelahan kada araw, 1,000 ang nagi­ging biktima ng HIV, at 144 ang namamatay dahil sa karahasan sa loob lamang ng isang araw.

Nakatutuwa na dala pala niya sa tunay na buhay ang kanyang karakter sa Black Panther. Gaya ni Okoye, itinataas niya rin ang mga babae sa tunay na buhay. Sa katunayan ay may binuo siyang kampanya na tinatawag na “Love Our Girls” na naglalayong higit pang mamulat ang lahat, lalo na ang mga lider natin, sa sitwasyon ng mga kababaihan.

Kung tutuusin, higit na walang kapangyarihan ang mga batang babae dahil sa kanilang edad ay wala pa silang sapat na karanasan at impluwensiya sa lipunan. Higit na kaila­ngan ng mga batang ito ang suporta upang maipaglaban nila ang kanilang karapatan.

Sadyang mahaba pa ang laban para sa pantay na pagtingin at oportunidad para sa mga kababaihan. Dito na lamang sa Filipinas, marami pa rin ang naniniwalang ang lugar ng babae ay para sa kusina lamang. Kaya nga naman sa ­ilang pamilya lalo na sa probinsiya, hindi na pinapag-aral ang anak na babae dahil sa ipakakasal lang naman ito sa lalaking bubuhay sa kanya.

Hanggang may ga­nitong kaisipan, marapat lamang na ipagdiwang ang International Day of the Girl!

Comments are closed.