NAARESTO ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang pasaherong Chinese na galing Bangkok, Thailand dahil sa kanyang mga pekeng passport at dokumento.
Ayon sa BI Immigration Protection and Border Enforcement (I-PROBES), si Wang Weiqiang, 32-anyos ay dumating sa bansa sakay ng Philippine Airlines flight at tinangkang makapasok ng bansa gamit ang pekeng Mauritius passport at identification card.
Base sa record, si Wang ay bumisita na ng bansa gamit ang isang Chinese passport.
Inamin nito na nakuha niya ang pekeng dokumento matapos magbayad ng 200,000.00 USD pero hindi pa ito nakarating sa Mauritius at nakuha lamang nito ang kanyang passport at identity card noong ito ay nasa Thailand.
Agad namang ipinag-utos ni BI Commissioner Norman Tansingco ang agarang pagpapaalis sa dayuhan sa bansa at pagsama sa listahan ng blacklist.
“This process is a reminder of the ongoing challenges we face in combating illegal immigration and human trafficking. Our immigration officers remain vigilant to ensure the safety and security of our borders,” ayon sa BI Chief.
PAUL ROLDAN