INAASAHAN na madaragdagan ang mga dayuhan sa susunod na mga linggo nang pahintulutan ang pagluluwag sa mga inbound traveler.
Epektibo sa Pebrero 16 ay papayagan nang makapasok sa Filipinas ang mga dayuhan basta’t may hawak ang mga ito ng valid visa.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nagpasiya ang Inter-Agency Task Force na luwagan na ang ipinatutupad na travel restrictions sa mga dayuhang nabigyan ng visa noong Marso 20, 2020 at nanatiling balido.
Ayon kay Roque, kinakailangang mayroon nang naka-pre booked na accommodation sa isang accredited na quarantine hotel o facility ang darating na dayuhan sa loob ng anim na gabi.
Kinakailangan ding sumailalim ang dayuhan sa COVID-19 test, matapos ang anim na araw ng kanyang pagdating sa bansa.
Binigyang diin naman ni Roque na ang pagpapapasok sa Filipinas ng mga dayuhan ay nakadepende pa rin sa maximum capacity ng mga paparating na pasahero sa mga paliparan o puerto at petsa ng pagdating.
Nilinaw rin ni Roque na nananatili pa ring hindi pinapayagan ang mga dayuhang turista sa bansa maliban na lamang kung kabilang ang mga ito sa mga exempted. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.