PINAAARESTO ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 224 ang apat na opisyal ng Dermalog Identifications Systems, GmBH (Dermalog) – ang banyagang information technology (IT) contractor ng Land Transportation Office (LTO) dahil sa kasong qualified theft.
Naglabas ng non-bailable arrest warrants si RTC Branch 224 Presiding Judge Zita Marie Magundayao Atienza-Fajardo laban kina Dermalog Chief Executive Officer/Managing Director, Gunther Mull, Project Manager, Michael Schutt, Chief Financial Officer, Randolf Sitz, at Philippine representative, Lynne Ocampo noong ika-20 ng Hunyo, 2022.
Nag-ugat ang arrest warrant sa kasong estafa na isinampa laban sa Dermalog ng kanilang local partner na Verzontal Builders, Inc. (Verzontal) sa Quezon City Prosecutor’s Office noong nakaraang taon.
Matatandaang pumasok sa isang Joint Venture Agreement (JVA) ang dalawang kumpanya noong 2018, kasama ang Holy Family Planning Corp., at Microgenesis Software, Inc., upang makilahok sa bidding para sa P3.19-billion DOTr Road Transportation Infrastructure Project (LTO-Component A) na may kinalaman sa Land Transportation Management System o LTMS.
Inakusahan ng Verzontal ang Dermalog nang hindi pagbabayad ng kanilang 25 percent share matapos nilang makumpleto ang civil, mechanical, at electrical works na kailangan para sa naturang proyekto.
Hindi rin umano sinabi ng Dermalog ang tunay na halaga ng proyekto na inaprubahan ng LTO.
Ngunit sa resolusyon na inilabas ng city prosecutor, sinabi nito na mas naaangkop ang kasong qualified theft sa reklamong ito dahil sa hindi pagbabayad ng wasto ng Dermalog sa Verzontal. Ayon pa sa city prosecutor, dahil nasa isang JVA ang Dermalog at Verzontal, ang hindi wastong pagbibigay ng kaukulang bayad na batay sa kontrata ay maituturing na pagnanakaw.
Hindi rin malinaw kung ang pagbabago sa tunay na presyo ng proyekto ay may kinalaman sa audit issue na makailang beses na inilabas ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng procurement contract sa pagitan ng Dermalog at LTO.
Nakasaad sa Article 310 ng Revised Penal Code na may kinalaman sa qualified theft, na ang mga akusado ay dapat patawan ng parusang mas mataas ng dalawang antas ang lebel kagaya ng pagkakakulong na hindi bababa sa dalawang taon at apat na buwan at isang araw hanggang anim na taon.
Matatandaan din na pinuna ng COA ang LTO sa kanilang audit reports na inilabas noong 2020, dahil sa pagbabayad nito sa Dermalog sa kabila ng mga kakulangan at kabagalan ng LTMS project.