DDR BILL AGAD NA IPASA (Panawagan ni Speaker Velasco sa Senado)

Rep Lord Allan Velasco

MALAWAKANG saloobin ng buong Kamara at ng milyon-milyong mga Filipino ang ginawang panawagan kamakailan ni House Speaker Lord Alan Velasco sa Senado na ipasa nito agad ang Department of Disaster Resilience (DDR) bill.

Ito ang pananaw ni House Ways and Means Committee chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda na pangunahing may-akda ng panukalang DDR bill (HB 5989). Ginawa ni Velasco ang panawagan sa Senado habang sinasalanta  ni Typhoon Quinta ang maraming bahagi ng Luzon.

“Masigasig naming tinatawagan ang mga katapat namin sa Senado na ipasa agad ang bersiyon nilang panukala nito upang magkaroon agad ng kaganapan at malikha ang Department of Disaster Resilience at maging laging handa tayo sa mga kalamidad, at maituon din ng ibang kaga-waran ang buong atensiyon nila sa pagbangon ng bansa mula sa pandemyang Covid-19,” panawagan ni Velasco.

Itinuturing ang HB 5989 na isang komprehensibong tugon ng bansa laban sa mga kalamidad, kasama na ang pandemya. Maraming beses na itong inendorso ni Pangulong Duterte.

Binalangkas ni Salceda at sinuportahan naman ng maraming mambabatas, umani ito ng 241 boto nang ipasa ng Kamara noong Setyembre. Naghihintay ito ngayon ng aksiyon sa Senado.

Layunin ng panukalang DDR na maging pangunahing ahensiya ng pamahalaan na mangunguna, mangangasiwa at mag-uugnay-ugnay sa lahat ng hakbang at programa ng gobyerno para maiwasan, mapaghandaan at mapagaan ang dagok ng pananalanta mga kalamidad, makabangon sa mga ito at patuloy na isulong ang progreso ng bayan at lipunan. Bukod sa mga ito, tutulungan din nitong mapalakas ang kakayanan ng mga pamahalaang lokal sa ‘disaster risk reduction’ at pangangasiwa sa mga ‘climate change action plans, programs, projects, and activities.’

Kasama ang mga ‘co-author’ niya sa panukalang DDR bill, nauna na ring nanawagan si Salceda sa Senado na ipasa ito agad. Naniniwala siyang magaganap ito lalo na at si Sen. Christopher ‘Bong’ Go ang umakda ng bersiyon nito sa Senado at madiin din niyang sinabi na “sadyang kailangan nang baguhin ang pananaw at pamamaraan kaugnay sa mga kalamidad na lalong lumilimit at ibayong pahirap ang ibinibigay sa mga Pilipino lalo na ngayong may pandemya.”

“Hindi na natin maitatatwa na totoo ang ‘climate change;’ ang malalakas na mga bagyong bumubugbog sa atin taon-taon; ang mga lindol at mga bulkan nating tuwinang sumasabog. Katotohanan na sa buhay natin ang mga kalamidad. Magiging mabisa ang tugon natin sa mga ito sa pamamagitan ng DDR,” dagdag niya.

Bukod sa Office of Civil Defense (OCD) na siyang magiging “core component” ng DDR, ililipat din dito ang ‘Climate Change Commission, ‘Health Emergency Management Bureau’ ng Department of Health (DOH,) ‘Disaster Response Assistance and   Management Bureau’ ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ilang iba pa.

Comments are closed.