PASADO na sa Kamara ang panukalang batas (HB 8165) na naglalayong lumikha ng hiwalay na Department of Disaster Resilience (DDR) para tugunan ang malimit na pananalasa ng mga kalamidad at tumulong sa patuloy na pagsulong ng pambansang ekonomiya at buhay ng mga Filipino.
Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, ang pangunahing may-akda ng panukalang batas, ang DDR ay magkakaroon ng “mandatong magsulong ng tiyak na nakatuon at mabisang programa laban sa mga kalamidad para tiyakin ang patuloy na pag-unlad ng bansa sa pamamagitan ng mahusay at mabisang mga estratehiya sa paghahanda, paglaban at pagbangon mula sa pananalasa ng mga ito.”
Kapag naging batas na ang panukala, pagsasamahin ng DDR sa isang bubong ang mga ahensiyang may kinalaman sa kalamidad upang matiyak ang pagbalangkas ng mabisang mga plano at pagbibigay sa publiko ng mga tamang kaalaman, panuntunan at akmang hakbang na dapat gawin laban sa banta ng kalamidad, batay sa masusing mga pagsusuri. Kasama rito ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng DENR, Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) at Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvolcs) na kapwa bahagi ng Department of Science and Technology (DOST), at ang Bureau of Fire Protection mula sa Department of Interior and Local Government (DILG).
Ipinasa ng Kamara ang HB 8165 nitong nakaraang ika-18 ng Setyembre, tatlong araw matapos manalasa ni bagyong Ompong sa hilagang Luzon na kumitil ng maraming buhay. Sa Itogon. Benguet, isang minahang bayan, 78 ang namatay at mga 30 pa ang nawawala sa pagguho ng bundok. Limang araw pagkalipas, gumuho rin ang bundok sa Naga City, Cebu, isa ring minahang pamayanan, kung saan 70 ang namatay at mahigit 30 katao pa ang nawawala.
Ipinaliwanag ni Salceda na kung mayroon na sanang DDR, ang ganitong mga trahedya ay maaaring maiwasan o kaya maibsan. Pinuna niya ang trahedya sa Naga kung saan nasuspende ang tatlong opisyal ng MGB, bilang halimbawa ng kalamidad na dapat sana ay napigilan o naibsan kung nabigyan ng kaukulang pagpapahalaga ang banta nito. Sa panukala niya, ang MGB, lalo na ang Geo-Hazard Unit nito, ay magiging bahagi ng DDR para “maihiwalay ang kaligtasan ng tao sa interes ng pagmimina.”
Nanawagan si Pangulong Duterte sa Kongreso sa pamamagitan ng kanyang 2017 at 2018 SONA na lumikha ito ng isang “disaster management agency.” Kasunod ng 2017 SONA niya kaagad inihain ni Salceda sa Kamara ang kanyang DDR bill. Pinabilis ng pangalawang panawagan ng Pangulo ang pagpasa ng Kamara sa kanyang panukalang batas.
Malawak ang suporta mula sa pamahalaan at pribadong sektor sa panukalang DDR. Kasama sa mga ito sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, chairman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, at dating pinuno ng MMDA na si Sec. Francis Tolentino, na ngayon ay ‘focal person’ ng Pangulo sa mga kalamidad.
Pinasalamatan ni Salceda, na chairman din ng House Climate Change Committee, si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo sa tulong niyang ipasa ng Kamara ang Official Joint Committee Report ng Technical Working Group (TWG) sa DDR ng pamatnugutan din ng mambabatas. Inendorso rin ito ng mga komite sa Govt Reorganization, National Defense at Appropriations.
Comments are closed.