DDR BILL PINAMAMADALI SA KONGRESO

Albay-Rep-Joey-Salceda

TINIYAK  na ipapasa ng Kongreso ang panukalang batas na lilikha ng Department of Disaster Resilience (DDR) na ilang ulit na inendorso ni ­Pangulong Duterte sa dalawa niyang nakaraang SONA.

Batay sa balangkas, sa pamamagitan ng DDR, magkakaroon ng “’unity of command, maka-sensiya at buong tutok na atensiyon sa lahat ng mga pananalasa ng kalikasan at maging gawa ng tao.”

Sinabi ni  Albay Rep. Joey Salceda, Ways and Means Committee chair ng Kamara at pangunahing may-akda ng ‘bill,’ ang DDR, sa ilalim ni Speaker Alan Peter Cayetano, at pakikiisa ng Senado ay mapabibilis ang pag-apruba rito.

Ito ang magi­ging pangunahing ahensiya ng pamahalaan na ­mangangasiwa at mananagot sa lahat ng hakbang ng gobyerno para ma­paghandaan, mapagaan at tumugon sa ‘disasters’ at bu­mangon pagkatapos nito.

Naipasa ng Kamara ang ‘bill’ noong ika-17 Kongreso ngunit hindi ito nakaalpas sa  Senado dahil sa kakapusan ng panahon. Ang biyahe ng DDR, ay nagsimula sa muling pagsusuri ng 2010 NDRRM Act na naging batayan ng 34 ‘bills’ at apat na resolusyon kaugnay sa ‘disaster risk reduction and management.’

Umani ng suporta ang panukalang DDR dahil sa “Whole-of-Government and Whole-of-Nation approach” nito. Sa balangkas, ang Office of Civil Defense (OCD) ang magiging buod nito. Pamumunuan ito ng isang Kalihim na magkakaroon din ng mga Undersecretary, Assistant Secretary at mga Director. Bago ang RA10121, ang  OCD ang nangangasiwa sa mga kaso ng kalamidad.

Kapag nalikha na ang DDR, ito na ang manga­ngasiwa sa “patuloy na pagbalangkas ng mga estratehiya, malikhaing mga sistema ng pagtugon sa mga kalamidad, kasama na ang pagpigil, pagpagaan, kahandaan, pagba­ngon at rehabilitasyon matapos itong manalanta, at iba pang malikhaing mga tugon.” Isusulong din nito ang pagpapalakas sa kakayahan ng mga LGU, kabalikat ang akmang mga ahensiya.

Bukod sa OCD, isasama at magiging bahagi rin ng DDR ang ‘Climate Change Office’ ng ‘Climate Change Commission, Geo-Hazard Assessment and Engineering’ at ‘Geology Section’ ng ‘Mines and Geosciences Bureau’ ng DENR, DOH ‘Health Emergency Management Bureau,’ DSWD, Disaster Response Assistance and Management Bureau,’ at DILG ‘Bureau of Fire Protection.’ Ang PAGASA at PHIVOLCS naman na nasa ilalim ng DOST ay isasailalim din sa DDR.Batay sa 2019 badyet,  ang kabuuang badget ng mga ahensiyang magiging bahagi ng DDR ay aabot sa P31 bil­yon. Kung isasama ang P20 bilyong badyet, magkakaroon agad ng P50.1 bilyong ‘funding base ang DDR.                 CONDE BATAC

Comments are closed.