MABISANG mapagagaan ng Department of Disaster Resilience (DDR) ang bigat ng pananalasa ng mga kalamidad sa bansa kung maging batas na ang panukalang batas na lilikha nito. Ipinasa na ng Kamara ang naturang panukala (House Bill 5989) at naghihintay ito ng aksiyon ng Senado.
Unang ipinasa ng Kamara ang DDR bill na akda ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, noong 2018, ngunit inabutan ito sa Senado ng halalan ng kaya hindi nakalusot. Muli itong inihain ng mambabatas sa 18th Congress at ipinasa ng Kamara nitong nakaraang Setyembre.
Ayon kay Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, umaasa siyang susuportahan ng mga senador ang panukala, lalo na at si Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go ang bumalangkas ng Senate version nito kung saan isinama niya ang ilang mahalagang tampok na ipinaloob din ni Salceda sa HB 5989 nang muli niya itong inihain.
Pinuri ni Salceda ang magagandang idinagdag ni Go sa unang panukala. Binigyan niya ng diin na sadyang kailangan ang “pagbabago ng pananaw at pag-iisip sa pagtugon sa mga kalamidad na malimit na nagaganap at nagdudulot ng ibayong hirap sa mga mamamayan, gaya ng du-lot ng umiiral na Covid-19 pandemic.” Kapwa isinusulong nina Salceda at Go ang panukalang DDR.
Ilang ulit na ring sinabi ni Pangulong Duterte na prayoridad ang paglikha ng DDR bilang tugon sa mga kalamidad na tila lumilimit ang dating at nagiging higit na mabagsik.
Layuning likhain ang DDR, isang departamento ng Ehekutibo na siyang magiging pangunahing ahensiyang mangangasiwa sa pagkilos ng gobyerno laban sa mga kalamidad, pagiging handa sa mga ito, at muling pagbangon pagkatapos nilang manalasa.
Umapela si Salceda at mga co-author niya sa HB 5989 sa Senado na bilisan ang pagpasa nito sa panukalang DDR na gagawing ‘institutional’ ang nagkakaisang pagkilos, sa ilalim ng komprehensibong balangkas para sa pagiging handa, at akmang pagtugon ng bansa sa mga kalamidad.”
Ipinasa ang bill ng Kamara sa botong 241 na sang-ayon, pitong kontra at isang hindi bumoto noong ika-16 ng nakaraang Setyembre.
“Hindi totoong walang tayong magagawa upang maibsan at mapagaan ang mga panganib na dulot ng mga kalamidad. Katotohanan na ang ‘climate change.’ mga pagsabog ng bulkan, lindol at mababagsik na bagyo. Sila’y bahagi ng katotohan sa buhay natin. Hindi natin sila maiiwasan ngunit mapapagaan natin ang bigat ng kanilang panananalasa kung tayo’y handa at kikilos ng tama. Sa kabila nila, susulong pa rin tayo. Iyan ang ‘resilience,’” paliwanag ni Salceda.
Ayon sa mambabatas, naniniwala siyang maipapasa na ang panukalang DDR ngayong naramdaman na ng mga Filipino na sadyang kailangan na ito. Ang ideya ng paglikha ng hiwalay na ahensiyang tutugon sa mga kalamidad ay batay sa mga karanasan ni Salceda nang gobernador siya ng Albay na malimit bugbugin ng mga bagyo at pagsabog ng Bulkang Mayon. Noon nakintal sa kamalayan ng mga Filipino ang layuning “Zero Casualty” o walang mamamatay.
Sa balangkas ng HB 5989, magiging buod ng DDR ang Office of Civil Defense. Magiging bahagi rin ng ahensiya ang Climate Change Commission Office, Health Emergency Management Bureau ng Department of Health, at Disaster Response Management Bureau ng Department of Social Welfare and Development.
Comments are closed.