DDR PINAAAPRUBAHAN NA

Yedda Marie Romualdez

KINALAMPAG ni House Committee on Disaster Management Vice Chairman at Ti­ngog Partylist Rep. Yedda Marie Romualdez na magkaroon na ng pangunahing ahensiya na tututok sa mga ka­lamidad sa susunod na taon.

Ito ay kasunod ng pagdedeklara sa ilalim ng state of calamity ng Leyte at Eastern Samar dahil sa pinsalang tinamo dulot ng bagyong Ursula.

Hiniling ni Romualdez na maipasa na ng Kongreso ang Department of Disaster Resilience (DDR)  upang may ahensiya ng mangunguna sa paghahanda sa mga tatamang kalamidad sa Pilipinas tulad ng bagyo at lindol.

Sinabi ni Romualdez na malaking aral para sa mga taga-Visayas ang pananalasa noon ng bagyong Yolanda kaya’t handa ang mga residente nang tumama sa kanilang mga lugar ang Bagyong Ursula.

Aniya, mas mabilis naibalik ang suplay ng kuryente, paghahatid ng mga relief sa mga biktima ng kalamidad at minimum lamang ang damage kung ikukumpara sa Yolanda.

Sa oras na maging ganap na batas, ang DDR ang magsisilbing national agency na siyang mag-se-centralize sa rahabilitation, rescue, response, recovery at reconstruction tuwing may kalamidad. CONDE BATAC

Comments are closed.