DDREM DINIDINIG NA SA SENADO

Senado

SINIMULAN na ang pagdinig ng Senado sa panukalang batas na maglilikha sa Department of Disaster Resi­lience and Emergency Management (DDREM) matapos ang sunod-sunod na lindol na naganap sa ilang bahagi ng rehiyon sa Mindanao.

Sa pagdinig ng Senate Committee on National Defense na pinamumunuan ni Senador Panfilo Lacson, inamin ni Defense Undersecretary Ricardo Jalad,  administrator ng Office of the Civil Defense at  executive director ng National Disaster Risk Reduction and Management Council  na hindi sila tutol sakaling maglikha ng isang departamento na tututok sa mga sakuna at delubyo sa bansa.

Lumabas sa pagdinig, kung sakaling magkaroon ng DDREM ay aabot sa 700 ang magiging posisyon ng mga magiging kawani at opisyal ng departamento alinsunod sa na­ging pahayag ng kinatawan ng Department of Budget and Management  (DBM).

Iginiit naman ni Senador Francis Tolentino  na hindi na kailangan ng 700 personnel dahil ang gagawin ay right sizing o i-absorb na lamang ang mga miyembro ng Phivolcs, Pagasa, Climate Change Commission, Bureau of Fire Protection at iba pang ahensiya.

Inihalimbawa pa ng senador  na sa BFP lamang ay mayroon ng 23,000 na tauhan  o personnel na tutulong sa panahon ng kalamidad.

Ani Tolentino, sa lugar pa lamang sa Region 12 kung saan tumama ang sunod-sunod na lindol ay mayroon ng 1,036 na bombero kung kaya’t hindi na aabot sa 700 ang kakailanganing personnel para sa DDREM.

Pinawi naman ni Senador Aquilino Koko Pimentel III sa pagdinig ang pangamba na mala­king halaga ng pondo ang gugugulin para sa mga magiging posisyon sa pagbuo ng departamento. VICKY CERVALES

Comments are closed.