ITINALAGA ni Pangulong Rodrigo Duterte si Associate Justice Teresita De Castro bilang bagong Chief Justice ng Korte Suprema.
Kinumpirma ni Justice Secretary Menardo Guevarra, isa sa miyembro ng Judicial and Bar Council (JBC) na si de Castro ang napili ni Pangulong Duterte bilang bagong punong mahistrado kapalit ng napatalsik na si Maria Lourdes Sereno.
Nakatakdang ilabas naman ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang appointment paper ni De Castro sa darating na Martes, Agosto 28.
Gayunpaman, maninilbihan lamang si De Castro sa Korte Suprema bilang Chief Justice sa loob ng halos dalawang buwan dahil nakatakdang magretiro ito sa Oktubre pagsapit ng mandatory age na 70.
Nagsilbi si De Castro bilang isa sa mga mahistrado sa loob ng 45 taon, kung saan nagsimula siya bilang law clerk sa Korte Suprema noong 1973.
Kabilang si De Castro sa tatlong SC justices na nakasama sa shortlist na isinumite ng Judicial and Bar Council sa Pangulo.
Ayon kay Guevarra, maituturing na unang babaeng Chief Justice si De Castro matapos mapawalang bisa ang appointment ni Sereno sa Hudikatura.
Kaugnay nito, ikinatuwa ni Presidential Spokesman Harry Roque ang naging desisyon ng pangulo sa pagtalaga kay De Castro.
“Bravo! best choice for Chief Justice (CJ)! Proven competence, known nationalist and a streak of being a judicial activist!” Ani Roque.
Sa panig naman ng senado, ikinagalak ni Senador Richard Gordon ang naging desisyon ng Pangulo at naniniwala na maraming maisasaayos si De Castro sa Korte Suprema.
“I think she can handle ‘yung kakulangan ng courts, makakaya niya ‘yan dahil inappoint siya ng pangulo. What an honor to her family. maganda ang record niya.” Diin ni Gordon. EVELYN QUIROZ / TERESA CARLOS
Comments are closed.