MAGKATUWANG ang Pamahalaang Lungsod at Schools Division Office (SDO) ng Caloocan sa pagsusulong ng de kalidad na edukasyon sa mga mag-aaral kasabay ng pagpapatupad ng blended distance learning.
Ipinatupad ang Distance Modular Learning Delivery sa pamamagitan ng Self-Learning Modules sa lahat ng pampublikong paaralan sa lungsod na siyang libreng ipinagkaloob sa mga magulang ng mga mag-aaral na gagamitin para sa unang tatlong linggo.
Nakatakda namang i-anunsyo ang araw ng pamamahagi ng mga susunod na modules para sa buong school year alinsunod sa K to 12 Minimum Essential Learning Competencies.
Pagkatapos ng masusing bidding at pagtupad sa mga proseso na itinakda ng pamahalaan, inaasahang maipapamahagi sa buwan ng Nobyembre ang mga tablet na binili ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan para sa mga mag-aaral ng Grade 9 hanggang Grade 12 ng mga pampublikong paaralan.
Tiniyak naman ng Department of Education (DepEd) na hindi kinakailangan ang tablet o gadget para sa mga Kinder hanggang Grade 8 students at sapat ang mga ipapamahaging module upang matuto at malinang ang kaisipan ang mga mag-aaral.
Mayroon ding TV-based lessons ang DepEd TV na makatutulong sa pag-aaral at sa paggamit ng Self-Learning Module ng mga estudyante.
Gayunpaman, upang matiyak ang maayos na paggabay sa mga estudyante, inatasan ng SDO Caloocan ang mga guro na masusing subaybayan ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng Facebook Messenger, tawag at text.
Mayroon ding School Learning Clinic ang bawat paaralan para sa mga estudyante na walang gadget o kakayanan na gumamit ng Facebook Messenger.
Ito ay isang paraan upang matalakay ng mga guro at magulang ang progreso ng bawat estudyante at ang mga module ay kukunin mula sa magulang ng mag-aaral sa katapusan ng bawat linggo para sa evaluation.
Hangad ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan at ng SDO Caloocan na malampasan ng bawat isa ang hamon na ito sa sektor ng edukasyon dulot ng COVID-19 at tinitiyak na hindi masasakripisyo ang kalidad ng pagtuturo at patuloy ang suporta sa bawat estudyante, guro at magulang. EVELYN GARCIA
Comments are closed.