INDANG, Cavite – Sinisid nina Kirk Dominique Reyes at Janelle Kyla Chua ng De La Salle-Manila ang tig-3 ginto, kabilang ang mga pinakaunang nakataya sa lalaki at babae sa swimming sa 2024 Philippine Reserve Officers Training Corps (ROTC) Games National Championships nitong Martes sa De La Salle-Dasmarinas swimming pool.
Naitala ng 18-anyos na incoming second year Business Management sa DLST-Taft na si Reyes ang bilis na 2:35.33 minuto sa men’s 200m IM upang tanghalin na pinakaunang nagwagi ng gintong medalya sa ikalawang edisyon ng torneo na brainchild ni Senador Francis Tolentino.
Hindi pa nagkasya, nagbalik ang bagong sali na UAAP varsity swimmer ng Green Archers ilang minuto lamang ang nakalipas upang idagdag ang dalawa pang gintong medalya para maging may pinakamaraming naiuwi na medalya sa isang linggong torneo na para sa mga reservist ng tatlong sangay ng militar sa bansa.
“Inuubo po ako at nilalagnat one-week bago ang torneo, meron pa rin po ako pero pinilit ko po sumali kasi first time ko makasali sa tournament at part na rin po nito ang paghahanda ko po para sa nalalapit na UAAP,” sabi ni Reyes, na ang tatay na si Keith ay isa ring dating varsity swimmer sa College of Saint Benilde (CSB), sister school ng La Salle.
Idinagdag ni Reyes ang men’s 50m butterfly sa oras na 27.14 segundo bago tinapos ang araw sa kanyang pangatlong gintong medalya sa men’s 200m breaststroke sa tiyempo na 2:43.28 minuto.
Hindi naman nagpaiwan ang kakampi nito na 19-anyos at first year BS Marketing student na nagwagi rin ng limang gintong medalya sa Luzon leg matapos na magwagi sa women’s 100m freestyle (1:03.87m), 50m butterfly (31.44s) at sa 50m backstroke (33.82s).
“I just wanted to test myself po and to break my personal best time,” sabi ni Chua.
Nagwagi rin ng gintong medalya ang 20-anyos na si Althea Gem Villapeña ng Enverga University–Lucena matapos na dominahin ang women’s 200m individual medley (IM) sa oras na 3:08.96m.
Humablot din ng gintong medalya ang bagong miyembro ng national water polo team na si Benjie Manto na nagwagi sa men’s 100m freestyle sa tiyempo na 1:00.26 minuto. “Masuwerte po kasi ngayon lang po ako nakalangoy ulit,” sabi ng 22-anyos na 3rd year BS Physical Education Major sa Rizal Technological University na nakalangoy noong 2015 hanggang 2019 Palaro at sa 2017 Batang Pinoy bilang bahagi sa rehiyon ng CARAGA.
Ang iba pang nagwagi ng ginto ay sina Marvic Iguidez ng Navy sa men’s 50m Backstroke (31.77s), at Diosa Mae Fructozo ng Army sa women’s 200m breaststroke (3:45.45m).