DE-LATANG SARDINAS TATAAS NG P0.50–DTI

SARDINAS

INAPRUBAHAN ng Department of Trade and Industry (DTI) kahapon ang P0.50 na dagdag sa presyo ng de latang sardinas matapos na banggitin ng manufacturers ang pagtaas ng raw material.

Sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez na ang dagdag na P0.50 bawat lata ay mas mababa sa hinihinging P1 hanggang P2 na 7 sa 9 na na­ngungunang gumagawa ng sardinas.

Hiniling ng Century Pacific Corp, na guma­gawa ng 555, Blue Bay at Lucky 7 na brand ng sardinas ang dagdag presyo para matugunan ang gastusin sa lata, karton at diesel, ayon sa kanilang vice president na si Cezar Cruz.

Ang gastos sa krudo ay kumukuha na ng 55 porsiyento ng price adjustment, sabi niya.

“Wala na po tayong magagawa. Hindi mo na maasahan ang presyo dati dahil sa prices ng raw materials,” dagdag pa niya.

Inaasahan din ang pagtaas ng corned beef na nasa  55-centavo price increase, pahayag din ni Trade and Industry Secretary Ramon Lopez.

“Ininform kami kanina na may mga 50 centimos na pagtaas sa ibang de-lata, but that’s within the range. Ang increase nila hindi dahil sa TRAIN kundi dahil sa global price ng lata, ng tin plates,” ani Lopez.

Binanggit din ni Lopez naibaba ng manufacturers ang pagtaas ng presyo sa minimum. “Ang request nila dati one to two pesos. So far we are trying to convince them to lower it. So ‘yun, mga na-approve na, 50 centavos ang increase.”

Ang mga nagdaang sunod-sunod na taas-pres­yo ng petrolyo ay inaasahang magkakaroon din ng  impact sa presyo ng mga pangunahing bi­lihin pero pinag-aaralan pa ng ahensiya ang tungkol dito.

Dapat magpaabiso ang manufacturers at suppliers sa DTI ng anumang pagtataas ng presyo bago nila ito ipasa sa mga consumer.

“They will have to inform DTI para sa amin naman ma-compute natin at mabalikan natin sila ano ‘yung dapat na increase, given the change in cost,” ani Lopez.

Comments are closed.