BINASAHAN na ng sakdal kahapon si Senadora Leila De Lima hinggil sa kasong kinakaharap nito na may kaugnayan sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Tumangging maghain ng plea ang senadora kaya nagbigay na lang ng “not guilty plea” si Judge Lorna Navarro-Domingo, ng Muntinlupa City Regional Trial Court, Branch 206.
“I do not recognize the legitimacy and the validity of the charges against me,” ani De Lima.
Sa kabila na tinangka ng hukom na patahimikin ito ay nagbigay pa rin ng pahayag ang senadora.
“Now, there are two other cases pending before the other Court, this case is completely fabricated and bogus from orchestrated lies,” dagdag ni De Lima.
Nag-plea rin ng “not guilty” para rin sa kasong drug charges sina dating Bureau of Corrections (BuCor) director Franklin Jesus Bucayu; dating aide ni De Lima na sina Ronnie Dayan at Joenel Sanchez.
Bago ang arraignment, ibinasura ni Navarro-Domingo petition ng kampo ni De Lima na motions to quash para idismis ang kaso nito.
Sabi ng tagausig sa pamumuno ni Department of Justice (DOJ) Senior Assistant State Prosecutor Ramoncito Ocampo, na ang pagbasura sa motion ng senadora ay wala sa tamang panahon at pag-delay lamang aniya ito sa pagdinig.
Matatandaan na sinampahan ng kaso si De Lima at ilan pang personalidad dahil umano sa pagkakasangkot ng mga ito sa illegal drug trade sa NBP noong Marso 13 hanggang Mayo 2015 nang si De Lima pa ang kalihim ng DOJ. MARIVIC FERNANDEZ