HINILING ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) sa administrasyon na palayain na si Senadora Leila de Lima na dalawang taon nang nakakulong sa Philippine National Police (PNP) custodial center sa Camp Crame.
Ang kahilingan ay batay na rin sa 13-pahinang rekomendasyon ng Working Group on Arbitary Detention (WGAD) na palayain na ang senadora na nabilanggo noong Pebrero 24, 2017. Ang rekomendasyon ng WGAD Opinion ay pinagtibay noong Agosto 24, 2018 na isinapubliko lamang nitong Disyembre.
Ang rekomendasyon ay kinatigan din ng mga kaalyado ni De Lima sa Senado at Kongreso.
Sa Senado, inihain ng minority bloc sa pangunguna ni Minority Leader Franklin M. Drilon, at nina Senator Francis N. Pangilinan, Antonio F. Trillanes, Paolo Benigno Aquino IV at Risa Hontiveros ang Senate Resolution No. 1019 na may pana-wagang sundin ng gobyerno ang nasabing UNHRC-WGAD Opinion noong Pebrero 8.
Nito namang Pebrero 10 ay may kagayang resolusyon, House Resolution No. 2506, ang isinumite ng mga kakampi ni De Lima sa kamara. Nanawagan din silang ipatupad ng pamahalaan ang mga rekomendasyon ng nasabing komite sa UNHRC.
Pirmado ang resolusyong ito nina Rep. Kaka Bag-ao (Lone District, Dinagat Islands), Rep. Edcel Lagman (1 st District, Al-bay), Rep. Kit Belmonte (6 th District, Quezon City), Rep. Edgar Erice (2 nd District, Caloocan City), Rep. Gabriel Bordado Jr. (3 rd District, Camarines Sur), at Rep. Tom Villarin (Akbayan Party-List).
Masaya naman ang senadora sa hakbang na ito ng mga kaalyado niya.
Sa isang sulat-kamay na kalatas, nagpasalamat siya sa mga ito.
“Having all of you as friends and allies, and fellow fighters for truth, justice and democracy, makes my own personal struggles a lot bearable and my resolve to carry on a lot stronger,” ayon kay De Lima sa kanyang sulat noong Pebrero 11.
Comments are closed.