DE VEGA SA PSA HALL OF FAME

IPAGDIRIWANG ang buhay at panahon ni legendary sprint queen Lydia De Vega sa darating na San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Annual Awards Night tatlong linggo mula ngayon sa grand ballroom ng Diamond Hotel.

Ang yumaong track superstar ay iluluklok sa PSA Hall of Fame bilang pagkilala sa kanyang nakamamanghang achievements sa Philippine track and field history.

Ang special honor at tribute sa isa sa greatest Filipino athletes ay igagawad ng pinamatandang media organization sa March 6 gala night nito na itinataguyod ng Philippine Sports Commission at Cignal TV, at suportado ng Philippine Olympic Committee, Tagaytay City Mayor Abraham ‘Bambol’ Tolentino, MILO, Smart, MVP Sports Foundation, Rain or Shine, 1Pacman Rep. Mikee Romero, Philippine Basketball Association, OKBet, at ICTSI.

Si De Vega, dalawang beses na naghari bilang Asia’s sprint queen, ay sumakabilang-buhay noong nakaraang Agosto matapos ang matagal na pakikipaglaban sa Big C.

Sa kanyang kasikatan, halos walang makatatalo kay Diay.

Ang charming runner mula sa Meycauayan, Bulacan ay kinilala bilang ‘fastest woman’ sa Asia noong 80s kasunod ng kanyang golden run sa women’s 100-meter event ng 1982 at 1986 Asian Games sa New Delhi, India, at Seoul, South Korea, ayon sa pagkakasunod.

Long legged at nakatali ang buhok, humarurot si De Vega sa finish line sa unahan ni PT Usha ng India sa parehong pagkakataon sa dominanteng performance na tinampukan ang kanilang historied rivalry.

Kabilang sa mga sikat na nadiskubre sa Palarong Pambansa, si De Vega ay produkto ng Project Gintong Alay na nakilala bilang isang 17-year-old lass na nagwagi ng back-to-back gold medals sa 200-meter at 400-meter events ng 1981 Southeast Asian Games sa Manila.

Mula roon ay lumawak ang kanyang tagumpay nang dominahin ng Far Eastern University alumna ang kanyang mga katunggali sa SEA Games, Asian Athletics Championships, at Asiad.

Sa kabuuan, si De Vega ay nanalo ng siyam na SEA Games gold medals, kabilang ang kanyang memorable run sa harap ng jampacked, wildly-cheering crowd sa Rizal Memorial Track and Field Stadium sa 1991 Manila edition ng biennial meet.

Nanalo rin siya ng apat na golds sa Asian trackfest bukod sa dalawang golds na kanyang nasikwat sa Asiad.

Si De Vega ay isa ring two-time Olympian bilang bahagi ng Philippine team sa 1984 Los Angeles at 1988 Seoul Games.

Pumasok siya sa public service makaraang magretiro noong 1994, kung saan nanalo siya bilang konsehal sa kanyang lalawigan ng Bulacan.

Hanggang sa siya’y mamatay, si De Vega ay naka-base sa Singapore sa loob ng isang dekada kung saan nagturo siya ng athletics at physical education sa isang pribadong eskuwelahan.

Ang kanyang induction sa Philippine Sports Hall of Fame noong 2018 at pagiging isa sa flag bearers sa opening ng 2019 Philippine SEA Games ay kabilang sa huling public appearances ni Diay.