TINATAYANG mahigit sa 80,000 lehitimong jeepney operators ang hindi pa kumukubra ng kanilang fuel voucher card na subsidiya ng gobyerno sa langis sa ilalim ng Pantawid Pasada Program (PPP).
Iniulat ng Department of Finance (DOF) na kakaunti lamang ang kumuha ng fuel subsidy cards para sa public utility jeepneys (PUJs).
Base sa datos ng DOF nitong Enero 15, sa kabuuang 155,337 qualified franchise holders, natatanging 74,714 pa lamang sa mga ito ang kumuha ng fuel vouchers.
Itinala na ang may pinakamababang claim rate ay ang Region 10 na mayroon lamang 28.52 porsiyento habang ang may pinakamataas naman ay ang Region 8 o Eastern Visayas na nakapagtala ng 71.64 percent.
Dahil dito ay nakiusap si Senador Sonny Angara sa jeepney franchise holders na kunin na ang kani-kanilang fuel voucher card.
“Hinihikayat po natin ang mga lehitimong jeepney franchise holder na hindi pa nakapag-claim ng kanilang PPP card na magtungo na sa pinaka-malapit na tanggapan ng LTFRB para kunin ang inilaang fuel subsidy ng gobyerno para sa kanila,” panawagan ni Angara.
Sa ilalim ng PPP na isa sa mitigating measures ng gobyerno, ang fuel vouchers ay ipinagkakaloob sa mga kuwalipikadong PUJ franchise holders para sa mga taong 2018 hanggang 2019. Ito ay upang matiyak na may makukuha silang tulong kasabay nang ‘di mapigilang paggalaw ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.
Umaabot sa halagang P5,000 nitong 2018 at P20,514 ngayong 2019 ang fuel subsidies sa bawat franchise holder na hahatiin sa apat na bigay o isang beses kada apat na buwan.
Nagsimula ang distribusyon ng cash cards para sa taong 2018 noong Enero 7 na inaasahang matatapos ng LTFRB ngayong darating na Marso. Pasisimulan naman sa katapusan ng Marso ang distribusyon ng fuel vouchers na inilaan para sa taong kasalukuyan.
Mula Nobyembre naman ng nakaraang taon, tumatanggap na ang LTFRB ng special power of attorneys para sa mga benepisyaryong hindi makapagtutungo nang personal sa naturang tanggapan. VICKY CERVALES
Comments are closed.